MANILA, Philippines – Suportado ni Deputy Speaker Paolo Ortega ang panukalang ibaba mula 16 tungo sa 15 ang kinakailangang bilang ng boto para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial nito, sakaling 22 senador na lamang ang may kakayahang makilahok sa pagdinig.
Ayon kay Ortega, dapat nang suriin ng Senado kung ang constitutional requirement na “two-thirds of all its members” ay maaari nang kuwentahin base lamang sa bilang ng mga senador na aktwal na nakatutupad sa kanilang tungkulin.
“Baka kailangan po nilang tingnan nang maigi kung ang magiging boto po na kakailanganin ay 15 na, hindi na 16, kasi parang medyo simple math lang naman po kung tinitingnan mo from the outside,” pahayag ni Ortega.
Ito ay kasunod ng mga argumentong hindi na dapat isama sa pagbilang ng kabuuang miyembro ng Senado ang mga senador na kasalukuyang nakadetine, nagtatago, o kaya naman ay hindi na magampanan ang kanilang obligasyon.
Inamin naman ng mambabatas na seryosong usaping konstitusyonal ito na posibleng mangailangan ng gabay o desisyon mula sa Korte Suprema.
Nauna nang binanggit ng House prosecutors ang mga prinsipyong nakapaloob sa kasong Avelino v. Cuenco, kung saan tinalakay ang pagtukoy ng quorum sa Senado kapag ang ilang miyembro ay hindi na sakop ng “coercive authority” ng kapulungan.
Sa ilalim ng Konstitusyon, hindi maaaring magkaroon ng conviction sa isang impeachment trial kung walang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado, ngunit nagkakaroon ngayon ng debate kung paano bibigyang-kahulugan ang “all members” sa kasalukuyang sitwasyon ng Senado kung saan si Sen. Jinggoy Estrada ay nakakulong sa kasong plunder habang si Sen. Bato dela Rosa ay nagtatago dahil sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Kasalukuyan nang naghahanda ang Senate impeachment court para sa paglilitis kay Duterte matapos ma-transmit ang Articles of Impeachment at maisumite ang mga pretrial pleading ng prosecution at defense.
Dahil dito, nakiusap si Ortega sa Senado na linawin na ang patakaran sa voting requirement bago pa man umabot ang korte sa yugto ng pagpapasya kung dapat bang i-convict o i-acquit ang Bise Presidente.
“Sana po walang impediment, ano man, at ma-resolve na po agad ‘yun, ‘yung number na kakailanganin, if ever,” pagtatapos ni Ortega. Gail Mendoza