MANILA, Philippines — Mahigit isang linggo matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang Sarangani at mga kalapit na lalawigan sa Mindanao, nasa 20,000 indibidwal pa rin ang nananatili sa mga evacuation center, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa pinakahuling datos ng NDRRMC, kabilang ang mga ito sa mahigit 4,400 pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa 45 evacuation centers sa Sarangani at mga karatig-lugar.
Umakyat na sa 68 ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang search and retrieval operations para sa 33 kataong nawawala pa.
Ganap na nawasak ng malakas na lindol ang 13,652 bahay at bahagyang napinsala ang mahigit 60,000 iba pa. Nasira rin ang ilang tulay at kalsada, habang maraming pagguho ng lupa ang naitala sa timog Mindanao na nagdulot ng pagkakahiwalay ng ilang komunidad, kabilang ang mga lugar sa Glan, Sarangani.
Mahigit P170 milyon na ang naipamahaging ayuda para sa mga apektadong residente at local government units. Nauna ring naglaan ang Department of Budget and Management ng P362 milyon bilang paunang pondo para sa rehabilitasyon at muling pagtatayo ng mga nasirang imprastraktura.
Tinatayang umabot sa P1.29 bilyon ang pinsala sa imprastraktura habang nasa P30 milyon naman ang pinsala sa agrikultura sa mga lalawigan ng Davao.
Sa kasalukuyan, nasa 14 na bayan sa Davao Occidental, Sarangani, at South Cotabato ang nananatiling nasa ilalim ng state of calamity. Santi Celario