Home NATIONWIDE Opisyal ng DPWH naglatag ng tala ng kabayaran kay Revilla sa flood...

Opisyal ng DPWH naglatag ng tala ng kabayaran kay Revilla sa flood control case

22
0

MANILA, Philippines — Iniharap ng isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga dokumento kaugnay ng pagbabayad at disbursement sa paglilitis sa Sandiganbayan laban kay dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division, kinilala ni DPWH Central Office Cash Division Chief Gerardo Delgado ang mga pangunahing dokumento ng proyekto, kabilang ang monthly certificate of payment, statement of work accomplished, disbursement voucher, at List of Due and Demandable Accounts Payable–Advice to Debit Account (LDDAP-ADA).

Ayon kay Delgado, ang LDDAP-ADA na nagbibigay-awtorisasyon sa paglipat ng pondo ng gobyerno sa contractor ay maaari lamang iproseso kapag kumpleto at pirmado ang lahat ng kinakailangang dokumento. Aniya, obligado ang mga cashier na ibalik sa Accounting Division ang mga dokumentong kulang sa pirma o iba pang rekisito.

Gayunman, nilinaw ni Delgado na hindi saklaw ng mga cashier ang pagberipika sa pagiging tunay ng mga dokumento o inspeksiyon sa aktuwal na proyekto at umaasa lamang sila sa mga sertipikasyong inilalabas ng mga district engineer.

Ipinipilit ng prosekusyon na pineke umano ni Revilla at ng kanyang mga kapwa akusado ang accomplishment reports at billing documents para sa flood control project na iniulat na 95 porsiyentong tapos na kahit may mga kuwestiyon sa implementasyon nito.

Kabilang sa mga kapwa akusado ni Revilla sina dating DPWH Bulacan First District Engineering Office cashier Christina Pineda at dating accountant na si Juanito Mendoza.

Nauna nang tumestigo si DPWH Finance Director Genevieve Cuaresma na nailabas ang bayad para sa proyekto kahit kulang ang mga kinakailangang lagda, kabilang ang kina dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara at dating Assistant District Engineer Brice Hernandez. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here