Home METRO 5 Quiapo vendors timbog sa pagbebenta ng P1M panis na produkto

5 Quiapo vendors timbog sa pagbebenta ng P1M panis na produkto

22
0

MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko, partikular sa mga Manilenyo, na magdoble-ingat sa pamimili ng mga murang produktong pagkain makaraang maaresto ang limang vendor sa Quiapo matapos umanong mahuling nagbebenta ng mga expired na pagkain at produkto na may binagong expiration labels upang magmukhang ligtas sa pagkonsumo.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Melvin Imperial, Allen Bautista, John Clifford Sagun, Analyn Colangoy, at Geelyn Santillan. Nahuli ang mga ito bandang alas-9:30 ng gabi noong Hunyo 16 matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant.

Ayon kay Domagoso, malaking banta sa kalusugan ng publiko ang pagbebenta ng mga expired na produkto, lalo na kung binabago pa ang mga expiration date upang malinlang ang mga mamimili.

“Napakadelikadong sitwasyon ito na posibleng mangyari pa sa ibang bahagi ng Maynila. Maaari tayong nakamumura at mukhang mura, pero hindi lahat ng mura ay maganda. Baka may dahilan kung bakit ito mura,” ani ng alkalde.

Batay sa ulat ng pulisya, nagsagawa muna ng surveillance at validation ang mga operatiba ng Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T.) sa pangunguna ni Police Lt. Col. Edward Samonte, katuwang ang mga tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) na pinamumunuan ni Police Major Fredwin Sernio, bago isinagawa ang operasyon.

Sa raid, nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang expired na pagkain at produkto na tinatayang nagkakahalaga ng P950,000.

Nasamsam din ang tatlong makina na ginagamit umano sa pagbabago at muling pag-imprenta ng expiration dates ng mga produkto.

Ayon kay Samonte, naaktuhan mismo ng mga operatiba ang mga suspek na nagbebenta ng mga expired na paninda.

Lumabas din sa imbestigasyon na may bahagi ng establisimyento kung saan umano nililinis at binabago ang mga date label ng mga produkto bago ito muling ibenta sa publiko.

“Kahit gabi, kahit madaling-araw, pipilitin naming maging epektibo kayong paglingkuran at laging unahin ang inyong kapakanan at kaligtasan,” pahayag ni Domagoso.

Dinala ang mga suspek sa Justice Abad Santos Medical Center para sa medical examination bago isinailalim sa booking at dokumentasyon.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7394 at Republic Act No. 10611. Isusumite ang mga kaso sa Office of the City Prosecutor ng Maynila para sa inquest proceedings.

JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here