TACLOBAN CITY — Naaresto ng pulisya ang isa sa mga suspek sa pamamaril sa Albuera, Leyte na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng tatlo pa, wala pang 24 oras matapos ang insidente.
Kinilala ng Leyte Police Provincial Office (LPPO) ang nadakip na suspek na si Totoy, 27, residente ng Barangay Antipolo, Albuera. Naaresto siya bandang alas-10 ng gabi noong Lunes sa isinagawang hot pursuit operation matapos ang pamamaril sa Barangay Salvacion.
Nangyari ang pag-atake bandang alas-7 ng umaga nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki ang isang sasakyan na patungo sa sentro ng bayan.
Nasawi sina Maria Noya Velos, 51, kinakasama ni Barangay Chairperson Walter Taripe, at Sherwin Villones Gumop-As, 23, kapwa residente ng Barangay Salvacion. Ayon sa pulisya, nagtamo ang mga biktima ng maraming tama ng bala sa ulo at leeg.
Sugatan naman sina Daniel Gumop-As, 56, isang 17-anyos na menor de edad, at John Carlo Israel Porneto, 18, na isinugod sa Ormoc District Hospital.
Nasamsam sa suspek ang isang US-made M14 rifle, isang R4 rifle, at mga bala.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pang suspek na nakilala lamang sa alyas na Berto.
Ayon kay Police Regional Office-8 Director Police Brig. Gen. Jason Capoy, magpapatuloy ang operasyon hanggang sa maaresto ang lahat ng sangkot sa krimen at mapanagot sa batas. Mary Anne Sapico