Home NATIONWIDE Pekeng parak timbog sa QC sa tangkang pagkumpiska sa SUV ng kongresista

Pekeng parak timbog sa QC sa tangkang pagkumpiska sa SUV ng kongresista

18
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki na nagpanggap na miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong tangkaing kikilan at kumpiskahin ang sasakyan ng isang kongresista sa Quezon City.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Station 15, nagpakilala ang suspek bilang “Master Sergeant Hernandez” at pinara ang SUV na minamaneho ni Fortunato Trazo, driver ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Alexander Ty Pimentel, sa kahabaan ng Congressional Avenue.

Inakusahan umano ng suspek si Trazo ng paglabag sa traffic light at iginiit na dapat ma-impound ang sasakyan kahit na naipakita na ng driver ang kanyang lisensya at mga dokumento ng sasakyan.

Ayon sa pulisya, modus ng suspek ang pagpapatigil sa mga motorista, pag-imbento ng mga traffic violation, at pananakot gamit ang replica firearm upang makakuha ng pera o mapasakamay ang mga sasakyan ng kanyang mga biktima.

Nakausap pa umano ni Rep. Pimentel ang suspek sa telepono at ipinaliwanag na minor offense lamang ang sinasabing paglabag, ngunit patuloy pa rin itong humihingi ng turnover ng SUV.

Dahil dito, nagbanta si Pimentel na isusumbong ang insidente kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Kinumpirma ni Police Lt. Col. Bryan Pajarillo, hepe ng QCPD Station 15, na dating traffic personnel ang suspek ngunit AWOL na mula pa noong Abril kaya walang awtoridad ang kanyang mga ginawa.

Naaresto ang suspek matapos ang maikling habulan sa isinagawang entrapment operation. Nahaharap siya sa kasong attempted carnapping at grave coercion, bagama’t itinanggi niya ang mga akusasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here