Home HOME BANNER STORY Grupo ng kabataan kinuwestyon pagkaantala ng kaso vs VIllanueva sa Ombudsman

Grupo ng kabataan kinuwestyon pagkaantala ng kaso vs VIllanueva sa Ombudsman

3
0

MANILA, Philippines — Nagprotesta sa Office of the Ombudsman ang youth group na Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) nitong Biyernes upang hilingin ang agarang pagsasampa ng kaso laban kay Senador Joel Villanueva kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control project sa Bulacan.

Ayon sa grupo, mahigit dalawang linggo na ang nakalipas mula nang sabihin ni Ombudsman Crispin Remulla na sapat na ang ebidensya upang maisampa ang kaso laban kay Villanueva, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring pormal na reklamo.

“Mahigit dalawang linggo na ang lumipas pero wala pa ring malinaw na aksyon. Nakakabahala na hanggang ngayon ay hindi pa nila kinakasuhan si Villanueva. Dahil ba bumaliktad na siya, kumampi sa Gatchalian bloc?” pahayag ng SPARK.

Binanggit din ng grupo na kasabay ng pagkaantala ng kaso ang mga kamakailang pagbabago sa liderato at alyansa sa Senado, kabilang ang paglipat umano ni Villanueva sa mayoryang pinamumunuan ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Ayon sa SPARK, nalalagay sa alanganin ang kredibilidad ng Office of the Ombudsman dahil sa hindi nito pagtupad sa naunang pahayag hinggil sa kaso.

“The public now views that the constitutional body has been weaponized by the Marcos administration to facilitate the establishment of a new Senate majority and to secure the senators’ votes in the impeachment case of VP Sara Duterte,” ayon sa grupo.

Pinuna rin ng organisasyon ang kasalukuyang mayorya sa Senado at inakusahan ang administrasyon ng paggamit sa bagong alyansa upang isulong ang mga layuning pampulitika kaugnay ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

“Hindi bago ang ganitong klaseng oportunismo sa senado. Nakikinabang ang kasalukuyang administrasyon ni Marcos sa bagong mayorya para sa kanyang long-term goal na matanggal si Sara Duterte sa pwesto at pagbawalang makatakbo muli. Gagawin nila ang lahat para makamit ang resultang naaayon sa kanilang interes, kahit pa tanggapin nila ang kurakot na gaya ni Villanueva sa kanilang hanay, kapalit ng pagpapalabnaw o pag-atras ng mga kasong haharapin niya,” pahayag ng grupo.

Nanawagan ang SPARK sa Ombudsman na ipakita ang kalayaan nito bilang isang constitutional body, pairalin ang rule of law, at tiyaking walang opisyal ng gobyerno ang makaiiwas sa pananagutan anuman ang kanyang kaalyansang pampulitika. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here