MANILA, Philippines – Pinarangalan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga natatanging Manileño na nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa iba’t ibang larangan sa ginanap na Gawad Manileño 2026 sa Metropolitan Theater nitong Huwebes, Hunyo 18.
Kabilang sa mga kinilala ang mga indibidwal at grupo mula sa sektor ng edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, kultura at sining, mass media, palakasan, pagpapaunlad ng kabataan, at pangangalaga sa kalikasan.
Ang seremonya ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod ng Maynila na may temang “Matatag sa Hamon, Pinagtibay ng Panahon.”
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Francisco Isko Moreno Domagoso na ang Gawad Manileño ay hindi lamang simpleng tropeo o sertipiko kundi isang tradisyon ng pagkilala sa mga mamamayang nagsisilbi at nagbibigay dangal sa lungsod.
“Ang Gawad Manilenyo ay hindi lamang isang tropeo, hindi lamang isang sertipiko, at hindi lamang basta pagkilala. Ito’y isang tradisyong ating sinusundan na isinalin sa atin ng mga unang namuno sa Lungsod ng Maynila,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ng alkalde na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng isang lungsod ay hindi nasusukat sa dami ng mga gusali at imprastraktura kundi sa kalidad ng buhay ng mga mamamayan nito.
“A great city is not built by the government alone; it is built by the citizens who choose to care,” dagdag pa niya.
Hinikayat din ni Domagoso ang kabataan na tularan ang mga pinarangalan at gawing inspirasyon ang kanilang mga tagumpay at serbisyo sa kapwa.
Ayon sa alkalde, ang kadakilaan ng Maynila ay hindi dahil ito ang kabisera ng bansa kundi dahil sa mga mamamayang araw-araw na nagsisikap, nagmamalasakit, at nagmamahal sa kanilang kapwa.
Ang Gawad Manileño ay isa sa mga tampok na programa ng lungsod bilang pagkilala sa mga indibidwal at organisasyong may mahalagang ambag sa pag-unlad at paghubog ng mas maunlad at makataong Maynila. JAY Reyes