MANILA, Philippines — Muling magbubukas ang karamihan sa mga pampublikong paaralan sa Region XII na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani nitong mga nakaraang linggo, ngunit mananatiling suspendido ang klase sa General Santos City at Sarangani habang nagpapatuloy ang mga pagsusuri sa kaligtasan, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sinabi ng DepEd na nasa “Hayo” phase na ng Learning Continuity in Emergencies framework ang mga paaralan sa Cotabato, Kidapawan, Koronadal, Tacurong, at Sultan Kudarat, na nagpapahintulot sa pagpapatuloy ng mga aktibidad sa pag-aaral kapag ligtas na ang mga pasilidad.
Samantala, nasa “Hinto” phase pa rin ang mga paaralan sa General Santos City at Sarangani kung saan pansamantalang suspendido ang mga akademikong aktibidad habang nagpapatuloy ang safety assessments at hinihintay ang mga rekomendasyon ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, dapat nakabatay sa kaligtasan at kahandaan ng mga paaralan ang pagbabalik ng klase.
“Gusto nating makabalik ang mga bata sa pag-aaral, pero hindi natin puwedeng madaliin kung hindi pa ligtas ang classroom o kung hindi pa handa ang learners at teachers,” ani Angara.
Batay sa datos ng DepEd hanggang Hunyo 16, umabot na sa 142,821 mag-aaral at 7,406 personnel ang naapektuhan ng lindol sa 39 Schools Division Offices na kasama sa response efforts.
Naitala rin ang pinsala sa 1,396 paaralan, kabilang ang 1,950 silid-aralan na tuluyang nasira, 2,098 na nagtamo ng matinding pinsala, at 6,065 na may bahagyang sira.
Sa kabuuan, 6,748 paaralan na ang nakapagpatuloy ng klase habang 2,342 pa ang nananatiling suspendido depende sa kalagayan ng kanilang lugar.
Tinatayang P352.3 milyon ang kinakailangan ng DepEd para sa paglilinis, pag-aalis ng debris, at minor repairs sa mga paaralan. Magde-deploy din ang ahensya ng 109 Learning Continuity Spaces habang inaayos ang mga nasirang pasilidad.
Patuloy rin ang pagpapatupad ng mental health at psychosocial support services ng DepEd para sa mga apektadong mag-aaral at kawani. Sa Region XII, nasa 671 psychosocial support facilitators ang naitalaga habang 2,972 personnel ang sumailalim sa pagsasanay sa psychosocial support at Psychological First Aid. Santi Celario