Bulacan – Arestado ang High Value Individual o pangunahing tulak nang mahulihan umano ng P374,000 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng San Jose Del Monte (SJDM) nitong gabi ng Hunyo 19
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang suspek na si alyas “Eric”, 43.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng istasyon sa pakikipag-ugnayan na rin sa Philippine Drug Enforcement Agency bandang 9:53 ng gabi sa Brgy. Sto. Cristo.
Nabatid na naaresto ang target nang magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa police poseur buyer kapalit umano ang P500.
Nakumpiska sa target ang limang sachets ng hinihinalang shabu na tumimbang ng 55 gramo, may halagang umabot sa P374,000. (Dick Mirasol III)
Samantala, base sa ulat ng istasyon ng Guiguinto, San Ildefonso, Angat, Meycauayan at Baliwag, may anim na indibiduwal ang naaresto sa kanilang buy-bust operation at nakasamsam ng 15 sachets ng hinihinalang shabu na may halagang P259,420 at buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ng mga istasyong humuli sa kanila at nahaharap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III