MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Philippine Coast Guard ang parallel investigation kaugnay sa umano’y alegasyon ng extortion sa isa nilang tauhan na Seaman First Class matapos itong maaresto ng mga awtoridad.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group-Biliran, ikinasa ang entrapment operation kasunod ng mga reklamo mula sa mga lokal na mangingisda.
Sa operasyon, naaresto ang nasabing respondent habang tinatanggap ang marked money mula sa complainant noong Hunyo 19, 2026.
Iniutos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan PCG sa mga kinauukulang yunit na makipagtulungan sa kasalukuyang imbestigasyon at tukuyin ang mga paglabag sa patakaran ng Coast Guard sa pamamagitan ng parallel administrative investigation.
“Mahigpit ang polisiya ng Philippine Coast Guard laban sa korapsyon at anumang uri ng misconduct. Hahayaan nating umusad ang legal na proseso habang tinitiyak na maisusulong ang administrative accountability. Walang lugar sa organisasyon ang mga tauhang mapatutunayang lumabag sa batas,” diin ni Admiral Gavan.
Ayon naman kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab PCG, nananatiling nakatuon ang Coast Guard sa propesyonalismo at integridad sa paglilingkod sa publiko.
“Kung mapatutunayan ang mga alegasyon sa pamamagitan ng due process, maaaring maharap ang respondent sa mga administrative sanction, kabilang ang pagtanggal sa serbisyo, bukod pa sa anumang criminal liability na maaaring ipataw ng mga korte,” dagdag ni Commodore Cayabyab.
Batay sa Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement o iCARE program, tiniyak ng PCG sa publiko na patuloy nitong paninindigan ang pinakamataas na pamantayan ng etikal na pag-uugali habang sinusuportahan ang mga hakbang para mapanagot ang mga lumalabag sa batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden