Home HOME BANNER STORY US, Iran nagsimula nang mag-usap sa pagtapos sa giyera

US, Iran nagsimula nang mag-usap sa pagtapos sa giyera

3
0

SWITZERLAND – Nagsimula na ang pag-uusap ng Estados Unidos at Iran sa Switzerland nitong Linggo, Hunyo 21 matapos lumagda sa paunang kasunduan upang wakasan ang kanilang digmaan, habang nananatiling banta sa usapan ang muling paglala ng tensyon sa Lebanon.

Nagtipon ang mga kinatawan ng US at Iran kasama ang mga delegado mula Pakistan at Qatar sa Burgenstock resort malapit sa Lake Lucerne upang talakayin ang mga hakbang para sa pangmatagalang kapayapaan.

Layunin ng negosasyon na gamitin ang 60-araw na palugit upang resolbahin ang mas malalalim na usapin sa pagitan ng dalawang bansa kabilang ang nuclear program ng Iran at mga ipinataw na parusa ng Washington.

Gayunman, sinabi ni Iranian Foreign Ministry spokesman Esmaeil Baqaei na mahihirapang umusad ang usapan kung hindi matitigil ang labanan sa Lebanon.

“Hindi posible ang pinal na kasunduan hangga’t nagpapatuloy ang digmaan sa Lebanon,” ani Baqaei.

Muling isinara ng Iran ang Strait of Hormuz matapos ang pag-atake ng Israel sa Lebanon, sa kabila ng naunang kasunduan na buksan ito bilang bahagi ng tigil-putukan.

Iginiit naman ng Israel na mananatili ang kanilang mga tropa sa tinatawag nilang “security zone” sa timog Lebanon at tutugon sa anumang banta.

Ayon kay US Vice President JD Vance, pangunahing pagtutuunan ng usapan ang isyu ng nuclear program ng Iran at ang pagpapatupad ng tigil-putukan sa Lebanon.

Samantala, muling tiniyak ni Iranian President Masoud Pezeshkian na wala silang planong gumawa ng nuclear bomb ngunit hindi nila isusuko ang karapatang magpayaman ng uranium.

Kasama rin sa mga tatalakayin ang pag-unfreeze ng mga Iranian assets at pagbibigay ng pahintulot sa pagbebenta ng langis ng Iran sa pandaigdigang merkado.

Patuloy namang binabantayan ng mundo ang resulta ng negosasyon dahil malaki ang epekto nito sa seguridad sa Gitnang Silangan at sa pandaigdigang ekonomiya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here