MANILA, Philippines – Hinimok ng lokal na pamahalaan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental, ang mga residente sa low-lying area sa Barangay San Isidro na lumikas matapos na magmistulang lawa ang lugar kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Hunyo 8.
Dahil dito ay kailangan nang gumamit ng bangka para marating ang lugar.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naharangan ng landslide na dulot ng lindol ang natural na daluyan ng tubig mula sa kalapit na ilog.
“May natural source sana tayo ng upstream river connection sa Brgy. San Isidro and Brgy. Noing but due to the two mountains na nag-landslide they trapped the flow of the river,” sinabi ni Jose Abad Santos Public Information Officer, Julie Marie Buen.
Nag-aalala naman ang mga residente sa lugar sa epekto ng nalubog na mga tanim na niyog na pawang pangunahing kabuhayan ng mga ito.
Ipinaabot na ng lokal na pamahalaan ang naturang problema sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang sa mga solusyon ay ang paggamit ng “bambi bucket” upang alisin ang tubig, at ang posibilidad ng controlled blasting operations.
Sa ngayon ay nagpadala na ng heavy equipment upang linisin ang access roads patungo sa landslide area.
Inaasahan ang mga awtoridad na gumawa ng outlet channel upang makadaloy muli ang mga naipong tubig. RNT/JGC