MANILA, Philippines – Inaresto sa Pangasinan ang isang Canadian national na wanted sa pagkakaroon ng child sexual abuse materials, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo, Hunyo 21.
Sa pahayag, kinilala ng BI ang pugante na si Rudolf Hannes Hofer, 77 anyos, na nahuli ng mga operatiba ng BI sa San Carlos City, Pangasinan, noong Hunyo 9.
Ayon sa BI, si Hofer ay inaresto kasunod ng impormasyong natanggap at naberipika mula sa Canadian authorities.
Nakita sa rekord na si Hofer ay subject ng dalawang aktibong warrant na inisyu ng British Columbia, Canada, sa pagkakaroon ng child sexual abuse material at breach of undertaking.
Nakita rin sa imbestigasyon na overstaying na ito sa Pilipinas matapos bigong palawigin ang kanyang awtorisadong pananatili.
Kasunod ng pag-aresto, iginiit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nananatiling alerto ang ahensya laban sa mga dayuhan na susubukang takasan ang batas at magtago sa bansa.
“The Philippines will not serve as a sanctuary for fugitives seeking to escape accountability for serious crimes,” ani Viado.
Kasalukuyang naka-detain sa Warden Facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, ang dayuhan habang naghihintay ng deportation proceedings. RNT/JGC