Home NATIONWIDE 10.5K drug personalities nag-avail ng gov’t rehab program noong Mayo – PDEA

10.5K drug personalities nag-avail ng gov’t rehab program noong Mayo – PDEA

2
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 10,540 drug personalities ang nakinabang sa Balay Silangan Reformation Program ng pamahalaan, habang 2,798 sa mga nagtapos dito ang nakakuha ng trabaho o kabuhayan hanggang nitong Mayo, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sinabi ng PDEA na matagumpay na nabago ng programa ang buhay ng mga kalahok sa pamamagitan ng 650 operational centers sa buong bansa mula nang ilunsad ito noong 2018.

Saklaw ng mga naturang pasilidad ang halos 40 porsiyento ng kabuuang 1,645 local government units (LGUs) sa bansa.

“Balay Silangan shows that recovery and positive change are possible. With the support of local governments, communities, and partner agencies, we help individuals rebuild their lives, strengthen family relationships, and become productive members of society,” ani PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez.

Pinakamataas ang bilang ng mga nagtapos sa programa sa Central Luzon na may 2,050 graduates, sinundan ng Ilocos Region na may 1,344 at Northern Mindanao na may 1,051.

Samantala, nanguna naman ang Bicol Region sa partisipasyon ng mga LGU kung saan halos 89.47 porsiyento ng mga lungsod at bayan nito ang nakapagtatag ng Balay Silangan centers.

Batay sa datos ng PDEA, mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2026 ay nakapagtala ang programa ng 5,872 graduates, mas mataas kumpara sa 4,668 graduates na naitala mula 2018 hanggang Hunyo 2022.

Nasa 1,547 kalahok naman ang natulungan ng programa na magkaroon ng permanenteng trabaho o matatag na kabuhayan.

Ayon sa PDEA, nananatiling isa ang Balay Silangan Reformation Program sa pangunahing community-based rehabilitation initiatives ng pamahalaan na naglalayong mabigyan ng pagkakataong makabangon, makapagbagong-buhay at makabalik nang maayos sa lipunan ang mga indibidwal na naapektuhan ng ilegal na droga. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here