Home NATIONWIDE 24 Pilipinong nakulong sa Russia, nakauwi na sa Pinas – DFA

24 Pilipinong nakulong sa Russia, nakauwi na sa Pinas – DFA

4
0

MANILA, Philippines – Inilarawan ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro ang mabilis na pagpapalaya sa 24 Pilipinong nakulong sa Russia bilang patunay ng lumalalim na ugnayan ng Pilipinas at Russia matapos personal na hilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin ang kanilang paglaya.

Ayon kay Lazaro, isang araw lamang matapos ihain ng Pangulo ang kahilingan sa kanilang bilateral meeting sa Kazan ay agad na pinalaya ang mga Pilipino.

“What happened now, yung pagpapalabas sa 24 na mga kababayan natin, this is, I think, the first time na the next day, nung ni-request ng Pangulo, the next day pinalabas sila,” ani Lazaro.

“I think this is also a testimonial of the kind of relations that we have started and probably evolving and developing,” dagdag niya.

Dumating sa Pilipinas ang 24 na Pilipino sa dalawang batch noong madaling araw ng Hunyo 21. Karamihan sa kanila ay mga babae, at dalawa lamang ang lalaki.

Halos siyam na buwan silang nakakulong sa Yakutsk, Russia dahil sa mga isyung may kaugnayan sa immigration matapos umano silang mabiktima ng illegal recruiters. Ayon kay Pangulong Marcos, walang kasong isinampa laban sa kanila.

Sinabi naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nagsimula na ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga repatriated workers, kabilang ang agarang ayuda pinansyal, tulong sa trabaho at kabuhayan, hotel accommodation, pamasahe pauwi sa kanilang mga probinsya, at mga programang pagsasanay sa ilalim ng TESDA.

Ang pagpapalaya at pagpapauwi sa 24 Pilipino ay kabilang sa mga agarang resulta ng unang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Russia kasabay ng ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here