MANILA, Philippines – Swak sa kulungan ang isang lalaki nang maaktuhan ng pulisya na may bitbit na baril habang nakaupo sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, mahaharap sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act ang suspek na 49-anyos na lalaki at residente ng Barangay 176-C.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na dakong alas-4:00 ng madaling araw, nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Police Sub-Station 13 sa nasabing barangay nang mapansin nila ang suspek na nakaupo sa isang eskinita at may hawak umanong baril.
Kaagad nila itong nilapitan saka nagpakilala bilang mga pulis bago kinumpiska ang hawak nitong isang revolver na kargado ng bala.
Nang hanapan ng mga pulis ang suspek ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay wala itong naipakita kaya inaresto nila ito. (Merly Duero)