BOHOL, Philippines – Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes ang P833.37-milyong Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa mga bayan ng Mabini at Alicia sa Bohol, na inaasahang magbibigay ng suplay ng patubig sa 530 ektaryang sakahan at pakikinabangan ng 717 magsasaka.
Ang proyekto, na ipinatupad ng National Irrigation Administration (NIA), ay magbibigay ng patubig sa mga sakahan sa mga Barangay Abaca, San Roque, Aguipo, at Cabidian sa Mabini, gayundin sa Barangay Cayacay sa Alicia.
Ayon sa NIA, ang irrigation system ay binubuo ng isang dam na may taas na 32.20 metro at haba na 210 metro, isang ungated ogee weir spillway, at isang 11.31-kilometrong pangunahing kanal.
Kumukuha ang pasilidad ng tubig mula sa Baujanan at Cawasan Creeks upang maipamahagi ito sa mga sakahang sakop ng proyekto. May kapasidad ang reservoir na maglaman ng 3.82 milyong kubiko metro ng tubig.
Sinabi ng NIA na inaasahang magbibigay ang proyekto ng mas maaasahang suplay ng tubig para sa mga magsasaka, magpapataas ng cropping intensity, at magpapalakas ng produksiyong agrikultural.
Kasama ng pangulo sa pagpapasinaya sina NIA Administrator Engr. Eddie G. Guillen, NIA Region VII Regional Manager Engr. Eusebio S. Villamanto, mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Bohol Governor Erico Aristotle Aumentado, mga opisyal ng irrigators’ associations, at mga benepisyaryong magsasaka.
Kasabay ng pagpapasinaya ang pagdiriwang ng ika-63 anibersaryo ng NIA, na itinatag noong Hunyo 22, 1963.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Guillen na layunin ng proyekto na suportahan ang mga pamayanang nagsasaka at makatulong sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa Bohol.
“Ang Mabini-Cayacay SRIP ay sagisag ng pag-asa, bunga ng pagtutulungan, at pamana ng kaunlaran para sa susunod na mga henerasyon. Sa bawat pagdaloy nito sa mga sakahan, kasabay nitong dadaloy ang pagkakataon para sa ating mga magsasaka upang magkaroon ng mas maunlad at mas masaganang kabuhayan,” ani Guillen.
Bahagi ang Mabini-Cayacay SRIP ng irrigation development program ng NIA na naglalayong palawakin ang saklaw ng irigasyon at suportahan ang produksiyong agrikultural sa bansa.
Samantala sa talumpati ni Pangulong Marcos sa inagurasyon ng P833.37-milyong Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project (SRIP), sinabi niya na batay sa datos ng pamahalaan, malaki ang posibilidad na makaranas ang bansa ng matinding El Niño na maaaring tumagal hanggang 2027.
“Ayon sa ating datos, malaki ang posibilidad na makakaranas ang bansa ng matinding El Niño na maaaring tumagal hanggang sa susunod pa na taon, 2027,” ani ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na ito ang dahilan kaya patuloy na pinatitibay ng pamahalaan ang irrigation infrastructure upang matulungan ang mga komunidad ng mga magsasaka na makapaghanda sa posibleng epekto ng mahabang tagtuyot.
Ang Mabini-Cayacay SRIP ay magbibigay ng serbisyong irigasyon sa 530 ektarya ng sakahan sa limang barangay sa mga bayan ng Mabini at Alicia, kung saan pakikinabangan ng may 717 magsasaka, kabilang ang mga miyembro ng Mabini-Cayacay Irrigators’ Association, Inc.
Sinabi ng Pangulo na ang proyekto ay magbibigay sa mga magsasaka ng tiyak na suplay ng tubig at magpapababa sa kanilang pagiging bulnerable sa tagtuyot.
“Dahil sa sapat na suplay ng tubig, inaasahan nating tataas ang ani, lalo na ng palay at mga high-value vegetable crop. Dagdag pa diyan, mula sa dalawang beses sa isang taon na pagtatanim, puwede nang magtanim ang ating mga magsasaka nang three – tatlong planting sa isang taon,” ani ni Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na nananatiling pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang pagprotekta sa mga magsasaka laban sa mga epekto ng mga sakunang dulot ng pagbabago ng klima.
Sinabi rin ng Pangulo na patuloy ang pamahalaan sa pamumuhunan sa mga sistema ng irigasyon at mga programang sumusuporta sa sektor ng agrikultura upang mapataas ang produksyon ng pagkain.
“Bilang tugon sa banta ng El Niño, pinayuhan na natin ang ilang magsasaka na magtanim ng high-value commercial crop gaya ng pakwan, ng luya, ube, mani, at talong—imbes na palay na nangangailangan ng mas maraming tubig,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Higit sa lahat, itinataguyod natin ang makabagong pamamaraan sa pagsasaka na angkop sa klima—gaya ng paggamit ng solar pump at water reuse o recycling sa mga lugar na madalas maapektuhan ng tagtuyot,” dagdag pa ng Pangulo.
Binanggit din ni Pangulong Marcos ang iba pang mga proyektong irigasyon na ipinatutupad sa Bohol, kabilang ang Bonot-Bonot SRIP sa Buenavista, Hibale SRIP sa Danao, Molinao Dam Improvement Project sa Pilar, Catungawan SRIP sa Guindulman, at Mandaug SRIP sa Calape.
Ayon sa Pangulo, inaasahang magbibigay ang mga proyektong ito ng serbisyong irigasyon sa libu-libong ektarya ng sakahan at makikinabang ang mahigit 2,400 magsasaka sa buong lalawigan.
Idinagdag pa ng Pangulo na isinusulong din ng pamahalaan ang paggamit ng mga teknolohiyang angkop sa pagbabago ng klima sa agrikultura, kabilang ang mga solar-powered irrigation pump at mga water recycling system, lalo na sa mga lugar na madalas makaranas ng tagtuyot.
“Kaya’t sa ilalim ng Administrasyon, ating itinaguyod ang mga SRIP—mga small irrigation project na ganito. Kabilang nito sa Mabini–Cayacay upang mapataas ang kita ng ating mga magsasaka at maging mas matatag naman ang laban sa sakuna.” (KRIS JOSE)