MANILA, Philippines – Hinimok ng presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na si Archbishop Gilbert Garcera ang mga mananampalataya na ipagpatuloy ang pagdarasal para sa kaliwanagan, pagbabago, at pagbangon ng bansa sa gitna ng mga isyu ng korapsyon, kawalan ng katarungan, at pagbaba ng tiwala ng publiko.
Sa kanyang pastoral message noong Hunyo 22, pinasalamatan ni Garcera ang mga obispo, pari, relihiyoso, at mga layko na nakikibahagi sa kampanyang “A Nation’s Prayer for Enlightenment, Conversion, and Renewal.”
Ayon sa kanya, ang patuloy na pananalangin ng mga mananampalataya ay nagpapakita ng kanilang pagtitiwala sa Diyos at pagmamahal sa bayan.
Kinilala rin ni Garcera ang gaganaping White Ribbon March sa Hunyo 28 sa EDSA People Power Monument, na aniya’y isang maka-pananalig at hindi partidistang panawagan para sa katotohanan, pananagutan, katarungan, at katuwiran sa pamahalaan.
Sinabi niyang maaaring makilahok ang mga nais dumalo sa martsa nang may panalangin at paggalang, ayon sa kanilang konsensya at kalagayan.
Hinimok din niya ang mga mananampalataya na dumalo sa Banal na Misa sa Hunyo 28 at ipagpatuloy ang paghingi ng gabay sa Our Lady of Guadalupe para sa kaliwanagan ng isip, pagbabago ng puso, at pagbangon ng bansa.
“Patuloy nating ipanalangin ang kaliwanagan ng isipan, pagbabago ng puso, at pag-renew ng ating bansa,” ani Garcera. RNT/MND