Home HOME BANNER STORY 40 basyo ng bala, service firearm ng pulis nasamsam sa Tacloban school...

40 basyo ng bala, service firearm ng pulis nasamsam sa Tacloban school shooting 

4
0

TACLOBAN CITY – Narekober ng mga awtoridad ang 40 basyo ng bala at isang police-issued firearm matapos ang pamamaril sa San Jose National High School na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 11 iba pa.

Ayon sa pulisya, isa sa dalawang baril na ginamit sa insidente ay isang 9mm Glock pistol na nakatalaga sa isang babaeng opisyal ng Police Regional Office 8. Ang naturang pulis, na tiyahin ng isa sa mga suspek, ay isinailalim na sa restrictive custody.

Ang isa pang baril na ginamit ay isang .38 caliber revolver na nakarehistro sa isang security agency sa Cebu City.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Colonel Allen Rae Co na nagawa pang mag-reload ng isa sa mga suspek gamit ang police-issued handgun habang nagaganap ang insidente.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang menor de edad na suspek. Ayon sa imbestigasyon, ipinasok ng isa sa kanila ang baril sa loob ng paaralan gamit ang sling bag, habang ang isa naman ay nakapasok nang hindi nasuri ng guwardiya.

“Sad to say, ma’am, hindi nila, hindi talaga sila nag-i-inspect lalo na kung identified naman nila na student ng school, hindi po,” ani PRO 8 Spokesperson P/Maj. Analiza Armeza sa dzBB.

Ayon kay Armeza, exempted sa criminal liability ang 14-anyos na suspek sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.

“Exempted from criminal liability, however, ire-refer din namin ‘yun for appropriate intervention ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO),” aniya.

Samantala, sasailalim sa pagsusuri ng CSWDO ang 15-anyos na suspek. Kapag napatunayang kumilos ito nang may discernment, maaari itong sampahan ng kaukulang kaso.

“If ever man ma-convict siya… suspended sentence po yan kasi yung nga children in conflict with the law (CICL) sila,” dagdag ni Armeza. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here