Home NATIONWIDE 40-day mourning period para kina Baterbonia, Adili sinimulan ng Ateneo

40-day mourning period para kina Baterbonia, Adili sinimulan ng Ateneo

4
0

MANILA, Philippines – Sinimulan ng Ateneo de Manila University ang 40-araw na panahon ng pagluluksa para sa mga student-athlete na sina Divine Adili at Rene Baterbonia na nasawi sa pagkalunod habang nasa team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.

Sa memorandum na inilabas nitong Lunes, inimbitahan ni Ateneo President Fr. Roberto “Bobby” Yap SJ ang buong komunidad ng unibersidad na makiisa sa pagluluksa mula Hunyo 8 hanggang Hulyo 17.

“As we continue to grieve the tragic loss of our brothers, Rene Baterbonia and Divine Adili, I invite the entire University community to join me in observing the 40-Day Period of Mourning, which began on 8 June 2026 and will conclude on 17 July 2026,” ayon sa memorandum.

Bilang bahagi ng pagluluksa, ibababa sa half-mast ang bandila ng Ateneo, mag-aalay ng araw-araw na misa para sa dalawang atleta, pananatilihin ang mga itim na tela sa mga bakod ng kampus, babawasan ang mga selebrasyon at iaangkop ang mga mensahe sa electronic billboards ng unibersidad.

Hinikayat din ng pamunuan ang mga academic at administrative units na magsagawa ng iba pang angkop na ritwal ng pagluluksa alinsunod sa tradisyong Katoliko at ng unibersidad.

Nauna nang nanawagan ang Ateneo ng masusing fact-finding investigation sa insidente at bumuo ng Task Force on Reforming the University Athletics na pinamumunuan ni Fr. Roberto Exequiel Rivera SJ upang suriin ang athletics program ng paaralan.

Tinanggap din ng unibersidad ang pagbibitiw nina Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin at team manager Epok Quimpo isang linggo matapos ang trahedya. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad, kung saan ilang kasalukuyan at dating manlalaro pati coaching staff ang nakatanggap na ng subpoena.

Naibalik na sa Talacogon, Agusan del Sur ang labi ni Baterbonia, habang inihatid naman sa kanyang bansang Nigeria ang labi ni Adili. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here