TACLOBAN CITY – Service firearm ng isang pulis at baril na nakarehistro sa isang security agency ang ginamit ng dalawang menor de edad na suspek sa madugong pamamaril sa San Jose National High School, ayon sa mga awtoridad.
Narekober ng mga imbestigador ang mahigit 40 basyo ng bala sa loob ng paaralan matapos ang insidente na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 11 iba pa nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, isa sa mga ginamit na armas ay isang 9mm Glock pistol na nakatalaga sa isang babaeng pulis na tiyahin ng isa sa mga suspek. Ang isa namang baril ay isang .38 caliber revolver na nakarehistro sa isang security agency sa Cebu City.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Colonel Allen Rae Co na nagpalit pa ng magazine at muling nagkarga ng bala ang isa sa mga suspek habang nagaganap ang pamamaril.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek na edad 14 at 15. Ayon sa mga awtoridad, ipinasok ng isa sa kanila ang baril sa loob ng paaralan gamit ang sling bag, habang hindi naman napansin ng guwardiya ang isa pang suspek.
“Sad to say, ma’am, hindi nila, hindi talaga sila nag-i-inspect lalo na kung identified naman nila na student ng school, hindi po,” ani PRO 8 Spokesperson P/Maj. Analiza Armeza.
Isinailalim na rin sa restrictive custody ang babaeng pulis na may-ari ng isa sa mga baril na ginamit sa krimen.
Ayon kay Armeza, exempted sa criminal liability ang 14-anyos na suspek sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.
“Exempted from criminal liability, however, ire-refer din namin ‘yun for appropriate intervention ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO),” aniya.
Samantala, sasailalim sa pagsusuri ng City Social Welfare and Development Office ang 15-anyos na suspek. Kapag napatunayang kumilos ito nang may discernment, maaari itong sampahan ng kaukulang kaso.
“If ever man ma-convict siya… suspended sentence po yan kasi yung nga children in conflict with the law (CICL) sila,” dagdag ni Armeza. Mary Anne Sapico