Home OPINION SAN JUAN WATTAH WATTAH 2026, MAY ‘BASAAN ZONE’ NA LANG

SAN JUAN WATTAH WATTAH 2026, MAY ‘BASAAN ZONE’ NA LANG

2
0

SAN JUAN CITY — May mga pagbabagong ipatutupad ang pamahalaang lungsod ng San Juan sa pagdaraos ng “Wattah Wattah Festival 2026” bilang bahagi ng pagsisikap na gawing mas maayos, ligtas, at organisado ang isa sa pinakakilalang pagdiriwang sa bansa.

Ayon sa lungsod, inilipat kahapon (June 23, 2026) ang ilan sa mga pangunahing aktibidad ng pista na karaniwang ginaganap ngayong araw (June 24), ang sentrong selebrasyon ng kapistahan ni San Juan Bautista.

Sinabi ni Mayor Francis Za­mora na isang araw na mas maaga isinagawa ang Wattah Wattah Parade, Street Dance Competition, at Festival Queen Competition.

Layunin ng hakbang na ito na mabigyan ng sapat na espasyo at panahon ang tradis­yunal na “basaan” at iba pang panguna­hing programa sa mismong araw ng kapistahan nga­yong June 24, 2026.

Mananatili namang tampok sa pagdiriwang ang mga aktibidad kagaya ng Santong Tao Float Competition, Watt-Ah Barangay: Best Booth Competition, at ang inaabangang Wattah Wattah Basaan at Street Party. Para maiwasan ang kaguluhan at ma­protektahan ang mga hindi kalahok sa selebrasyon, nagtalaga ang lungsod ng opisyal na “Basaan Zone” sa kahabaan ng Pinaglabanan Street, partikular mula N. Domingo Street hanggang P. Guevarra Street. Sa itinalagang lugar na ito lamang papayagan ang malawakang pagbubuhos ng tubig mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon ngayong araw ng kapistahan.

Matatandaang ilang beses nang nakaranas ng batikos ang Wattah Wattah Festival dahil sa mga insidente ng sapilitang pambabasa sa mga dumaraan, kabilang ang mga manggagawa, estudyante, delivery riders, motorista, at iba pang mama­mayang walang intensiyong ma­kilahok sa tradisyon. Nagdulot din ito ng mga reklamo dahil sa pagkasira ng mga cellphone, lap­top, dokumento, uniporme, at iba pang personal na kagamitan ng mga naging biktima.

Dahil dito, muling nagpaalala ang lokal na pamahalaan na ang pagdiriwang ay dapat manatiling masaya ngunit may paggalang sa karapatan ng bawat isa.

Ayon sa mga opisyal ng lungsod, mariing ipinagbabawal ang pagpilit sa sinuman na mabasa kung hindi nila nais makilahok sa aktibidad. Inaasahan ding ma­gi­ging mas mahigpit ang pagpapatupad ng mga alituntunin nga­yong taon sa tulong ng mga pulis, traffic enforcers, bara­ngay officials, at mga volunteer upang matiyak ang pangkalahatang kaayusan ng pagdiriwang.

Ang Wattah Wattah Festival ay isa sa mga pinakamatandang tradisyong pangkultura sa Kalakhang Maynila.

Nagsimula ito bilang paggunita kay San Juan Bautista, na ayon sa tradisyong Kristiyano ay nagbinyag sa Panginoong Hesukristo gamit ang tubig sa Ilog Jordan. Dahil dito, naging simbolo ng paglilinis, pagbabasbas, at panibagong simula ang tubig sa taunang pagdiriwang.

Sa kabila ng mga kontro­bersiyang kinaharap nito sa mga nakalipas na taon, umaasa ang pamahalaang lungsod na sa pamamagitan ng mga bagong patakaran at itinalagang basaan zone ay mapapanatili ang makulay na tradisyon habang pina­ngangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng publiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here