MAYNILA – Mahaharap sa pananagutan, kabilang ang posibleng suspensyon, ang mga barangay chairman sa Maynila na mabibigong ipatupad ang mandatoryong paglalagay ng hindi bababa sa 10 closed-circuit television (CCTV) cameras sa kani-kanilang nasasakupan.
Ito ang binigyang-diin ni Manila First District Councilor Jhun Ibay, chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety at principal author ng City Ordinance No. 9152 o Barangay CCTV Ordinance of 2025, sa panayam ng Manila City Hall Press Club.
Ayon kay Ibay, layunin ng ordinansa na palakasin ang seguridad sa lahat ng 897 barangay sa lungsod sa pamamagitan ng mas maigting na pagbabantay sa mga lugar na madalas na pinangyayarihan ng krimen.
Sinabi niyang makikipagtulungan ang Manila Police District (MPD) sa bawat barangay upang matukoy ang mga estratehikong lokasyon kung saan dapat ikabit ang mga CCTV camera. Gayunman, ang pagbili at paglalagay ng mga kagamitan ay pananagutan ng mga barangay at kukunin mula sa kanilang sariling pondo.
Binigyang-diin pa ni Ibay na may kaakibat na pananagutan ang mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng ordinansa.
“Kapag nagpabaya ang isang barangay chairman sa pagpapatupad at monitoring ng CCTV system, maaari siyang managot at masuspinde,” ani Ibay.
Naniniwala rin ang konsehal na higit pa sa pagsugpo sa krimen ang maitutulong ng CCTV system dahil maaari rin itong magsilbing mahalagang ebidensya sa mga aksidente, insidente ng karahasan, at iba pang pangyayaring nangangailangan ng agarang imbestigasyon.
Sa pamamagitan ng ordinansa, inaasahang magiging mas ligtas ang mga komunidad sa Maynila at mapapalakas ang kakayahan ng mga awtoridad na mabilis na tumugon sa mga insidenteng nagbabanta sa kapayapaan at kaayusan. JAY Reyes