MANILA, Philippines – Tatlong suspek ang naaresto ng pulisya kaugnay ng pamamaril sa isang bagong college graduate sa Pantukan, Davao de Oro noong Huwebes, habang nagpapatuloy ang pagtugis sa isa pang suspek na nananatiling nakatakas.
Ayon sa Police Regional Office-11 (PRO-11), naaresto dakong 10:55 a.m. noong Biyernes sina Franklin Taganait Cabatlao, 35; Raymond Diez Garcia, 34; at Roanna Taoy Colongan, 25.
Sinabi ng PRO-11 na si Garcia ay isang dismissed police officer. Sina Cabatlao at Colongan ay kapwa residente ng Pantukan, Davao de Oro, habang si Garcia ay taga-Tagum City, Davao del Norte.
Samantala, pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang ikaapat na suspek na si Alvin Abeñon, na pinaniniwalaang nagtatago sa Barangay Tagdangua, Pantukan.
“Three suspects are now under police custody, while continuous hot pursuit operations are ongoing for the arrest of the remaining suspect. Investigation and case build-up remain ongoing to ensure the successful filing and prosecution of the appropriate criminal charges,” ayon sa PRO-11.
Batay sa imbestigasyon, kasama ng biktimang 29-anyos ang kanyang pamilya at papasakay na sana sa isang dilaw na minivan matapos dumalo sa graduation ceremony sa Kolehiyo ng Pantukan nang pagbabarilin siya.
Kinilala umano ng biktima si Cabatlao bilang gunman sa pamamagitan ng police rogue’s gallery, habang positibong itinuro naman ng mga saksi sina Garcia at Colongan bilang mga kasama nito at sakay ng kulay abong Suzuki minivan na ginamit sa insidente.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang Armscor caliber .45 pistol na may serial number na 351184, isang steel magazine na may limang bala ng caliber .45, isang bakanteng steel magazine, at ang hinihinalang getaway vehicle na gray Suzuki minivan na may plakang MBN 2178.
Patuloy ang imbestigasyon at case build-up ng pulisya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek. RNT/JGC