Home OPINION LCSP: DATING PANANAGUTAN NG MGA MENOR-DE-EDAD DAPAT NANG IBALIK

LCSP: DATING PANANAGUTAN NG MGA MENOR-DE-EDAD DAPAT NANG IBALIK

2
0

NANININDIGAN ang Lawyers for Commuters Safety and Protection na panahon nang repasuhin, at kung kinakailangan ay i-repeal, ang Juvenile Justice and Welfare Act (RA 9344) at ibalik ang prinsipyo ng dating batas sa ilalim ng Revised Penal Code pagdating sa criminal liability ng mga menor de edad.

Sa ilalim ng RPC, malinaw ang naging pamantayan. Ayon sa Article 12, ang batang wala pang siyam (9) na taong gulang ay exempted sa criminal liability. Samantala, ang batang mahigit siyam (9) ngunit wala pang labinlimang (15) taong gulang ay exempted lamang maliban kung napatunayang kumilos siya nang may discernment—ibig sabihin, nauunawaan niya ang pagkakaiba ng tama at mali at ang magiging bunga ng kanyang ginawa. Kapag napatunayang may discernment, maaari siyang managot alinsunod sa batas.

Sa Article 13 naman ng Revised Penal Code, ang pagiging wala pang labingwalong (18) taong gulang ay itinuturing lamang na mitigating circumstance. Ibig sabihin, maaari pa ring managot ang menor de edad, ngunit mas mababa ang ipapataw na parusa dahil sa kanyang edad.

Nang ipasa ang Republic Act 9344, itinaas ang minimum age of criminal responsibility. Sa kasalukuyan, ang batang 15 taong gulang pababa ay exempted sa criminal liability at isinasailalim sa intervention program. Ang batang mahigit 15 ngunit wala pang 18 taong gulang ay maaari lamang managot kung mapatutunayang kumilos siya nang may discernment. Kung walang discernment, exempt pa rin siya sa criminal liability at sasailalim sa mga programang itinakda ng batas.

Dito nakikita ng LCSP ang pangunahing usapin. Sa dating batas, maaaring papanagutin ang isang 14-anyos kung mapatutunayang alam niya ang kanyang ginagawa at nauunawaan niyang ito ay mali. Sa kasalukuyang batas, ang isang 14-anyos ay exempt sa criminal liability kahit pa ipakita ng mga ebidensya na batid niya ang bigat ng kanyang ginawa, bagama’t sasailalim siya sa intervention programs.

Hindi maikakaila ang layunin ng RA 9344 na protektahan ang mga kabataang naliligaw ng landas at bigyan sila ng pagkakataong magbago. Gayunman, may lehitimong tanong din ang publiko: kung ang isang 14-anyos ay planado at sinadyang pumatay, hindi ba niya nauunawaan ang bigat ng kanyang ginawa? At paano naman ang karapatan ng biktima at ng naulilang pamilya na makakita ng pananagutan?

Pareho lang naman ang nararamdaman ng pamilya ng biktima kahit pa sabihin ang akusado ay menor de edad o nasa hustong gulang na.

Para sa LCSP, panahon nang pag-aralan kung ang kasalukuyang batas ay patuloy pang tumutugon sa umiiral na sitwasyon. Kung ibabalik man ang dating prinsipyo ng Revised Penal Code, dapat tiyakin na ang mga menor de edad na mapatutunayang may pananagutan ay ilalagak sa hiwalay na rehabilitation at detention facilities tulad ng Boys’ Town o Girls’ Town, at hindi isasama sa mga hardened criminals. Sa ganitong paraan, mapangangalagaan ang kapakanan ng kabataan nang hindi isinasantabi ang hustisya para sa mga biktima.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here