Home OPINION SENADO SIBAK NA SA MALE-MALETANG KIKBAK

SENADO SIBAK NA SA MALE-MALETANG KIKBAK

2
0

NASAAN na ang male-maletang kikbakan sa flood control projects?

Lumilitaw na ganap nang kinalimutan ito ng Senado o nakararaming senador at higit na inaatupag ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Higit na mahalaga sa Senado ang P120-P600 milyong confidential fund na paratang na nilustay o ninakaw umano ni VP Sara kaysa P1.2-P1.7 trilyong nilustay o ninakaw umano ng Pangulo, mga gabinete niya at maraming kongresman.

Higit na kasalanan sa bayan ang krimen ng iisang opisyal kaysa maraming higit na mas mataas sa kanya at daan-daang mambabatas?

Dagdag pa, kumita na nga ang mga mambabatas sa flood control projects, kumita pa ng milyones bawat isa para sa mismong pagsasampa ng kaso ng impeachment, ‘di ba, Senator Manang Imee Marcos?

Alalahaning hindi lang si Zaldy Co, mga naging tauhan niyang ex-Marines at sundalo ang naghahayag ng kanilang personal nilang nalalaman sa scam kundi maging si Batangas Cong. Leandro Legarda-Leviste at si DPWH contractor Curly Discaya na nagsabing kumikbak sa kanya ang mahigit 150 kongresman.

Sa Senado na tapos na ang pre-trial conference para sa impeachment, nakita ang pagiging aktibo ng mga senador sa pagtanggap ng mga sari-saring ebidensya gaya ng mga testimonya o personal na nalalaman ng mga testigo at dokumento ng magkabilang panig.

Pero sa usaping male-maletang salapi at expandable bags na kikbakan sa flood control projects, ganap na isinara ng Senado ang pagtanggap ng mga ebidensya para rito kahit may tiyak pang panahon para rito.

Alalahaning tatlong araw lang naman isasagawa ang trial o paglilitis sa impeachment at hindi naman ipinagbabawal gawin ang imbestigasyon sa flood control scam sa kawalan ng pormal na sesyon ng mga mambabatas.

Kapag tuluyan nang isasara at kalilimutan ng Senado ang P1.2-P1.3T trilyong kikbakan sa maleta, diyan na tuluyan ding mawawalan ang Senado ng dignidad o dangal bilang institutsyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here