CAMARINES NORTE, Philippines – Labing pitong katao ang naaresto sa isang pinagsanib na operasyon laban sa ilegal na pagmimina sa Barangay Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Pinangunahan ng National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Jose Panganiban Municipal Police Station, ang operasyon noong Miyerkules.
Ayon sa pulisya, nahuli ang mga suspek na nagsasagawa ng pagmimina nang walang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MGB, na paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 (RA 7942) at RA 9516 tungkol sa paggamit at pag-iingat ng mga pampasabog.
Nakumpiska sa operasyon ang mga backhoe, generator, compressor, water pump, cement mixer, hoisting winches, at iba pang kagamitan sa pagmimina.
Narekober din ang 690 sako ng hinihinalang gold ore, 17 piraso ng hinihinalang gold amalgam, humigit-kumulang isang kilo ng mercury, at iba’t ibang pampasabog tulad ng blasting caps, ammonium nitrate, time fuse, at improvised explosive devices.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naaresto. Ang mga nakuhang pampasabog ay nasa pangangalaga ng NBI, habang ang mga kagamitan ay ipinagkatiwala sa mga opisyal ng barangay.
Ayon kay Bicol Police Regional Director Brig. Gen. Erosito Miranda, ipagpapatuloy nila ang mahigpit na kampanya laban sa ilegal na pagmimina upang maprotektahan ang likas na yaman at mapanagot ang mga lumalabag sa batas. RNT/MDS