MANILA, Philippines – Magtutuon muna sa legal at procedural matters ang unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Lunes, at wala pang haharap na testigo o ihaharap na ebidensya, ayon kay House of Representatives impeachment adviser and spokesperson Robert Ace Barbers.
“The Filipino people should expect the Senate impeachment court to first establish the legal framework that will govern the entire trial. That is how any orderly judicial proceeding begins,” ani Barbers sa isang news release nitong Linggo.
Sinabi ni Barbers na inaasahang tatalakayin sa unang araw ang entry of appearance ng mga abogado, plea ng respondent, opening statements ng magkabilang panig, at pagresolba sa preliminary legal issues bago tumungo ang Senate impeachment court sa evidentiary phase.
“Wala pa pong mga testigo bukas. Wala pang presentation ng ebidensya. Ang unang araw ay para tiyakin na malinaw ang mga patakaran at maayos ang magiging takbo ng paglilitis,” ani Barbers.
Ayon kay Barbers, tapos na ang paghahanda ng House prosecution panel at handa na itong ilahad ang kaso sa oras na umabot na ang paglilitis sa pagdinig ng ebidensya.
Pinayuhan din niya ang publiko na huwag sukatin ang takbo ng impeachment trial batay lamang sa palitan ng legal arguments sa unang araw.
“Hindi ito debate competition. Hindi rin ito paramihan ng soundbite. Ang tunay na sukatan ng kasong ito ay ang ebidensyang ihaharap at ang magiging pasya ng impeachment court batay sa konstitusyon at sa mga katotohanan,” ani Barbers.
Sinabi pa niya na dapat tingnan ang proceedings sa Lunes bilang pagsisimula ng constitutional process upang papanagutin ang matataas na opisyal ng pamahalaan kapag may seryosong alegasyon laban sa kanila.
“Ang pinakamahalagang mangyayari bukas ay hindi kung sino ang mas mahusay magsalita. Ang pinakamahalaga ay magsisimula na ang constitutional process ng impeachment. Ito ang mekanismong itinakda ng ating Saligang Batas upang panagutin ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan kapag may seryosong alegasyon laban sa kanila,” aniya.
Tiniyak ni Barbers na igagalang ng prosekusyon ang lahat ng magiging pasya ng Senate impeachment court habang nakatuon sa paghahain ng ebidensyang susuporta sa Articles of Impeachment.
“Our commitment is simple: To respect the Court, uphold the Constitution and present the evidence in an orderly, fair and transparent trial. We ask the public to allow the process to unfold and let the evidence speak for itself,” ani Barbers.
Samantala, hinikayat ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co, na isa ring House trial spokesperson, ang kabataan na subaybayan ang impeachment proceedings mula sa unang araw.
“I encourage our young people to watch the proceedings from Day One. Seeing viral clips or social media summaries will not be enough. Watch the process unfold. Understand how processes work and why accountability matters in a democracy,” ani Co.
Ayon kay Co, paalala ang impeachment trial na ang public office ay public trust at walang opisyal ng pamahalaan, gaano man kataas ang posisyon, ang hindi mananagot sa mamamayang Pilipino.
“One of the most important lessons our youth can learn is that public office is a public trust. No matter how high the position, every public official remains accountable to the Filipino people under the constitution,” aniya. RNT