MANILA, Philippines — Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga residente na nananatiling manageable ang pagtaas ng Covid-19 cases sa lungsod, at lahat ng naiulat na impeksyon ay mild at maayos na naisailalim sa isolation.
Sinabi ni Belmonte na mahigpit na mino-monitor ng city government ang sitwasyon sa pamamagitan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, na nakapagtala ng 84 confirmed cases mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1, mas mataas sa 23 kaso mula Mayo 21 hanggang Hunyo 10.
“We assure the public that the city government is closely monitoring these developments. While there has been an increase in cases, they still represent a very small percentage of our total population,” pahayag ni Belmonte.
“We are not seeing any clustering of cases, and all reported infections have been mild and isolated,” dagdag niya.
Mula simula ng taon, nakapagtala na ang Quezon City ng 146 confirmed Covid-19 cases sa pamamagitan ng proactive surveillance system nito.
Ayon sa city health officials, karamihan sa mga pasyente ay nakaranas ng influenza-like symptoms gaya ng lagnat, ubo, at sipon, dahilan upang magpatingin sila sa mga ospital at health centers.
Hinimok ni Belmonte ang mga residente na manatiling mapagmatyag, agad magpakonsulta kapag may sintomas, at ipagpatuloy ang pagsunod sa basic health precautions.
“Our City Health Department will continue to provide appropriate medical interventions through our city health centers and hospitals for residents experiencing similar symptoms. We encourage everyone to remain vigilant, but there is no need to panic,” ani Belmonte.
Patuloy na nagbibigay ang 66 health centers ng lungsod ng libreng medical consultations, Covid-19 testing kapag kinakailangan, at gamot para sa symptomatic patients.
Nakikipag-ugnayan din ang CESD sa Department of Health para magsumite ng samples para sa genome sequencing upang matukoy ang Covid-19 variant na kasalukuyang kumakalat sa komunidad.
Pinaalalahanan ang mga residente na magsuot ng face mask kapag may sakit o nasa mataong lugar, panatilihin ang wastong hand hygiene, at sundin ang payo ng mga doktor upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.
Nauna nang sinabi ng lokal na pamahalaan na pinapalakas nito ang kahandaan ng frontline health responders laban sa infectious disease outbreaks sa pamamagitan ng specialized training sa tamang paggamit ng personal protective equipment. RNT