Home METRO ₱18.4M ismagel sigarilyo, nasabat sa ZamboSur

₱18.4M ismagel sigarilyo, nasabat sa ZamboSur

3
0
Image Representation Only

ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱18.4 milyong halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo at naaresto ang dalawang suspek sa karagatang sakop ng Barangay Sugod, Tukuran, Zamboanga del Sur nitong Martes ng madaling araw.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis tungkol sa iligal na pagbiyahe ng kontrabando. Naharang ang isang de-motor na bangka na may dalang iba’t ibang brand ng sigarilyo na walang BIR tax stamps at graphic health warnings.

Ayon sa pulisya, hindi nakapagpakita ng mga dokumento ang dalawang 24-anyos na suspek mula sa Barangay Recodo, Zamboanga City na nagpapatunay na legal ang kanilang kargamento.

Nakumpiska sa operasyon ang 305 master cases o humigit-kumulang 15,000 reams ng sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱18,449,500, pati ang bangkang ginamit na may dalawang KAMA 12HP na makina.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Graphic Health Warnings Law.

Isasailalim sa beripikasyon ng National Tobacco Administration ang mga nakumpiskang sigarilyo, habang tutukuyin naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kaukulang buwis para sa pagsasampa ng mga kaso. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here