Home NATIONWIDE 20 dedo sa hagupit ni Inday!

20 dedo sa hagupit ni Inday!

3
0

MANILA, Philippines — Umakyat sa 20 ang iniulat na nasawi dahil sa Typhoon Inday at pinaigting na southwest monsoon o habagat, ngunit isa pa lamang sa mga ito ang beripikado ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa situational report nitong Lunes, sinabi ng NDRRMC na ang kumpirmadong nasawi ay isang 70-anyos na lalaki na nalunod sa Barangay Kipaypayon, Quezon, Bukidnon.

Kabilang sa mga naiulat na pagkamatay na bineberipika pa ang 10 sa Sarangani, anim sa Lanao del Sur, dalawa sa Bukidnon, at tig-isa sa Iloilo at Davao Occidental.

Siyam din ang naiulat na nasugatan, ngunit dalawa pa lamang ang beripikado, habang 16 ang nawawala.

Tinatayang 146,000 pamilya, o 654,000 indibidwal, sa 683 barangay sa buong bansa ang naapektuhan ng Inday at pinaigting na habagat.

Mahigit 5,100 pamilya, o 20,100 katao, ang nananatili sa 162 evacuation center, habang 635 pamilya, o 2,453 indibidwal, ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation facility.

Umabot sa 890 bahay ang nasira, kabilang ang 277 na lubusang nawasak at 613 na bahagyang napinsala.

Batay sa paunang pagtataya, umabot sa ₱3.18 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang ₱50,000 naman ang pinsala sa iba pang ari-arian.

Iniulat din ng NDRRMC na 67 road section at 13 tulay ang naapektuhan. Nanatiling hindi operational ang 46 pantalan, dahilan upang ma-stranded ang 437 pasahero, 231 rolling cargo, at isang sasakyang-pandagat.

Suspendido ang klase sa 413 lungsod at munisipalidad, habang suspendido naman ang trabaho sa 48 local government unit.

Umabot na sa ₱43.38 milyon ang tulong na ipinamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya.

Lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Inday noong Sabado ngunit patuloy nitong pinalakas ang habagat, na nagdala ng malalakas na ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here