MANILA, Philippines – Tumanggap ang Pilipinas ng USD6.78 milyon (humigit-kumulang P390 milyon) na grant mula sa Green Climate Fund (GCF) upang palakasin ang mga programa sa climate investment na magpoprotekta sa mga komunidad laban sa epekto ng climate change, magpapabilis sa paggamit ng malinis na enerhiya, at magsusulong ng inklusibong pag-unlad ng ekonomiya.
Ayon sa Department of Finance (DOF), ang Third Readiness and Preparatory Support Program (RPSP 3) ang dahilan kung bakit naging unang bansa sa Asia-Pacific ang Pilipinas na nakakuha ng GCF readiness support sa ilalim ng ikalawang replenishment period ng pondo para sa 2024 hanggang 2027.
Ang grant ay hindi kailangang bayaran at magsisilbing suporta sa pagpapatupad ng mga climate projects na nakaayon sa National Adaptation Plan at Nationally Determined Contribution Implementation Plan.
Inaprubahan noong Hunyo 24, 2026, ang 60-buwang programa na layong palakasin ang koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, bumuo ng mas maraming climate projects, at pagbutihin ang monitoring at knowledge management systems.
Kabilang sa mga ahensiyang nakibahagi sa paghahanda ng programa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Climate Change Commission (CCC), Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST), at iba pang pangunahing institusyon.
Ayon kay DOF Undersecretary Joven Z. Balbosa, ang pag-apruba ng grant ay hindi lamang pinansyal na suporta kundi isang mahalagang pamumuhunan upang maisakatuparan ng bansa ang mga layunin nito sa climate action.
Magsisilbing delivery partner ng DOF ang Global Green Growth Institute, habang katuwang sa implementasyon ang United Nations Development Programme (UNDP) at Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ).
Inihayag din ng DOF na naghahanda ito ng panibagong proposal sa ilalim ng GCF Country-Driven Readiness program na maaaring magbigay pa ng hanggang USD3 milyon na karagdagang grant.
Ayon naman kay GCF Regional Director for Asia and the Pacific Hemant Mandal, makatutulong ang pondo upang mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga programa laban sa climate change at mapabilis ang pagbuo ng mga proyektong makikinabang ang bansa sa pangmatagalan. RNT/JGC