MANILA, Philippines – Inaresto ang isang 56-anyos na school principal sa Abra na iniuugnay sa pamamaril sa isang babaeng guro sa Tayum.
Ayon sa pulisya, ang suspek ay inaresto matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang korte.
Siya ay inakusahan ng pamamaril sa guro sa Barangay Bumagcat noong Mayo 8, 2026.
Nakilala ng asawa ng biktima ang suspek dahil nakaligtas ito sa pag-atake at namukhaan ang gunman.
Sinabi ni Acting Tayum Police Station chief Capt. Cerel Gaspili na ang eyewitness identification ay isa sa mahalagang bahagi ng imbestigasyon.
“Natukoy ang suspek sa pamamagitan ng kaniyang mister. Kasi siya ang nakakita sa suspek noong binaril sila… Paglabas ng kaniyang warrant, doon namin ikinasa ‘yung paghuli sa kaniya,” sinabi ni Gaspili.
Lumabas sa imbestigasyon na nagalit at nagtanim ng sama ng loob ang suspek laban sa biktima matapos umano ang planong paghahain nito ng reklamo laban sa kanya.
Ayon sa pulisya, napag-alaman ng biktima na ang suspek ay mayroong relasyon sa kanyang 15-anyos na anak na babae at nagsimula ang relasyong ito noong 12 anyos pa lamang ang bata.
“Gusto niyang kasuhan itong suspek… ayon sa nakuha naming impormasyon, 12 years old pa ‘yung anak nila doon nag-umpisa ‘yung relasyon nila,” aniya.
Tinutukoy na rin ng pulisya ang motorcycle rider na pinaniniwalaang tumulong sa suspek na isagawa ang pag-atake.
Ang naturang principal ay kabilang sa Top 10 Most Wanted List ng Abra. RNT/JGC