Home NATIONWIDE Racist video ng China Daily laban sa mga Pinoy, kinondena ni De...

Racist video ng China Daily laban sa mga Pinoy, kinondena ni De Lima

3
0

MANILA, Philippines – Kinondena ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang China Daily matapos nitong maglabas ng AI-generated video na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay De Lima, ipinapakita ng naturang video ang arogansya ng China at ang mababang pagtingin nito sa mga Pilipino.

Sinabi rin niya na ang paggamit ng ganitong imahe ay nagpapakita ng pagkabahala at pagkadismaya ng China dahil hindi umano sumusuko ang Pilipinas sa pagtatanggol sa soberanya nito sa West Philippine Sea.

Dagdag pa niya, hindi na umano yumuyuko ang kasalukuyang administrasyon sa kagustuhan ng China, taliwas sa nagdaang administrasyon.

Iginiit ni De Lima na kahit magpakalat pa ang China ng propaganda, AI-generated videos, at maling impormasyon, hindi nito mababago ang katotohanang ang West Philippine Sea ay sakop ng Pilipinas ayon sa Konstitusyon at internasyonal na batas.

Binigyang-diin din niya na ang 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas ay nananatiling balido, kahit patuloy itong tinatanggihan ng China.

Ayon pa kay De Lima, “Sa ginagawa nilang panggigipit, pagbabanta at mga kasinungalingan, sila ang mas nagiging kahiya-hiya at katawa-tawa sa mata ng buong mundo.”

Hinikayat niya ang mga Pilipino na patuloy na manindigan at ipagtanggol ang soberanya at pambansang dangal ng bansa. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here