Home NATIONWIDE Pagtanggi ng kampo ni VP Sara sa pagbukas ng financial records, kwestyonable...

Pagtanggi ng kampo ni VP Sara sa pagbukas ng financial records, kwestyonable – prosekusyon

19
0

MANILA, Philippines – Kwestyonable para sa House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang pagpigil ng depensa na buksan ang financial records ng Bise Presidente.

“Kung gusto po talagang patunayan na ang amounts ng bank records nila… nitong period na ito ay hindi ganyan kalaki, hindi ho ba e dapat sila mismo nga ang magpakita nitong mga bank records nila?” sinabi ni House prosecution panel member at spokesperson Benjamin Tolosa nitong Linggo, Hulyo 19.

“So ‘yung fact na talagang pinipigilan nila na lumabas ito, meron hong malaking katanungan talaga ‘yan na pinapakita sa atin,” dagdag pa.

Sa ikaanim na araw ng impeachment trial noong Hulyo 15, hinimok ng defense team ni Duterte ang Senate court na ibasura ang hiling ng prosekusyon para sa subpoena sa bank at tax records nito.

Ipinagpaliban ng impeachment court ang desisyon hanggang sa pagbabalik ng paglilitis ngayong Lunes, Hulyo 20.

Ani Tolosa, kumpyansa ang prosekusyon na mapagbibigyan ang kanilang hiling.

“Nananalig ho kami na mapagbibigyan ’yan dahil malakas naman po yung basehan ng aming request para ipa-subpoena itong mga dokumentong ito,” sinabi ni Tolosa.

Ipinunto niya na exempted sa batas ang impeachment court mula sa bank secrecy laws at nagbibigay ng access sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at pinapayagan din ang ahensya sa pagbabahagi ng impormasyon maging sa foreign counterparts nito.

Iginiit ni Tolosa na ang bank records ni Duterte ang isa sa pinakamatibay na ebidensya na magpapatunay kung ang bank accounts nito ay match sa yaman na idineklara niya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

“Well, hindi naman po nakasalalay sa isang ebidensya lamang ang ating articles of impeachment. So, meron pa tayong ibang testimonya and documentary evidence,” sinabi ni Tolosa.

“Pero ganon pa man, talagang ipaglalaban namin na maipresenta itong mga dokumento na ‘to dahil ito ho yung pamamaraan para makita ng impeachment court at ng buong bayan ‘yung katotohanan patungkol sa magkano ba talaga ang yaman ng bise presidente noong panahon na nakaupo siya bilang lingkod-bayan versus magkano lang ang kaniyang na-declare sa kanyang SALN,” pagpapatuloy niya.

Matatandaan na nagkaroon ng malaking pagkakaiba sa P80 milyong deklaradong yaman ni Duterte kumpara sa P6.7 bilyon na nag-reflect sa AMLC records. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here