Home NATIONWIDE Paglampas sa powers ng NBI sa iiniimbestigahan, pinuna ni Cayetano

Paglampas sa powers ng NBI sa iiniimbestigahan, pinuna ni Cayetano

4
0

MANILA, Philippines – Pinuna ni Senator-judge Alan Peter Cayetano nitong Martes si National Bsaureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag dahil sa pagpapalawak ng NBI ng saklaw ng kapangyarihan nito sa pag-iimbestiga ng krimen.

Ito’y matapos sabihin ni Cayetano na limitado lamang ang kapangyarihan ng NBI sa pag-iimbestiga ng mga kaso, maliban kung uutusan ito ng Pangulo o ng Secretary of Justice na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang krimen kapag kinakailangan para sa kapakanan ng publiko (“undertake investigation of any crime when public interest so requires”).

“Why do they (the law) have to say ‘any crime’ if you can investigate any crime after all? It seems that you’re expanding your jurisdiction by yourself,” sabi ni Cayetano kay Matibag, na tumestigo sa ikawalong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong July 21, 2026.

Inilahad ni Cayetano ang isyung ito matapos sabihin ni Matibag na maaaring mag-imbestiga ang NBI ng anumang krimen motu proprio o sa sarili nitong pagkukusa.

“Lahat ng mga pumapasok sa amin na mga krimen ay amin pong pwedeng imbestigahan motu proprio. Ganon din po y’ung mga krimen na mayroon pong nagreklamo,” sabi ni Matibag.

Ngunit sinabi ni Cayetano na taliwas ang pahayag ni Matibag sa Republic Act No. 10867, ang batas na nagtatakda ng mga kapangyarihan at tungkulin ng NBI.

“Section 4, the NBI shall have the following powers and functions. Undertake and investigate the detection of crimes and offenses enumerated under Section 5,” wika ni Cayetano sa pagbasa ng bahagi ng batas.

Ipinaliwanag niya na malinaw na nakalista sa Section 5 ang mga kasong sakop ng NBI. Kabilang dito ang mga kaso ng human trafficking sa lahat ng paliparan, extrajudicial at extra-legal killings ng mga pwersa ng estado laban sa mga mamamahayag, pagpatay sa mga mahistrado at hukom, paglabag sa Cybercrime Prevention Act, mga kasong isinasangguni ng Inter-Agency Anti-Graft Coordinating Council (IAGCC), at paglabag sa Anti-Dummy Law.

Dagdag ni Cayetano, kabilang din sa saklaw ng NBI ang mga ito: “Cases involving threats, security assaults against person of the president, vice president, senate president, speaker of the house, chief justices… Transnational crimes pursuant to existing international agreements, identification of dead victims in case of mass fatalities, incidents caused by natural disaster, and violation of commercial, economic, financial, white collar crimes.”

“Nandiyan iyong law. So, exclusive yung enumeration. Then it adds ‘Provided, however, that the President or Secretary of Justice may direct the NBI to undertake investigation of any crime when public interest so requires.’ So hindi ba limited ang pwede niyong imbestigahan except na ang Department of Justice at Presidente ang pwede mag-atas?” sabi ni Cayetano.

Kinilala ni Matibag na tama ang listahang binanggit ni Cayetano ngunit iginiit niyang hindi nito nililimitahan ang kapangyarihan ng NBI.

“Yes. Y’ung pong ating listahan na iyan, tama po, nandiyan. Subalit hindi naman po sinasabi na nalilimita diyan ang aming pong pag-imbestiga,” sagot ni Matibag.

“We can still help and coordinate in the same way that if we are the primary investigating body,” dagdag pa niya.

Hindi sumang-ayon si Cayetano at sinabing taliwas ang interpretasyon ni Matibag sa pangunahing prinsipyo ng batas.

“Director, if that’s your interpretation, that goes against what they taught us in law school na kapag exclusive y’ung enumeration, you cannot add,” aniya.

Kasalukuyang nagsasagawa ang NBI ng dalawang magkahiwalay na imbestigasyon na may kinalaman kay Cayetano. Ang una ay tungkol sa umano’y hindi na-liquidate na pondo at mga iregularidad sa procurement kaugnay ng 2019 Southeast Asian Games. Ang pangalawa naman ay tungkol sa umano’y mga “ghost” flood control projects sa Lungsod ng Taguig, kung saan alkalde ang kanyang asawa na si Lani Cayetano.

Bakit piling pahayag lang ng VP ang iniimbestigahan?

Tinanong ni Cayetano si Matibag tungkol sa naging paghawak ng NBI sa umano’y grave threats ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez na sinabi niya sa isang video noong November 23, 2024.

“Paano y’ung proseso niyo or yung naging thinking niyo na itong ipapapatay y’ung Presidente [ay] pinaniniwalaan ko, pero itong siya ang papatayin [ay] hindi ko paniniwalaan, at itong graft and corruption [ay] hindi ko rin paniniwalaan. What’s the process there?” tanong ng senador.

Sumagot si Matibag na nakatuon ang imbestigasyon ng NBI sa umano’y pagbabanta laban sa tatlong opisyal at sa sinasabing kinuhang assassin.

Aniya, sinabi mismo ng bise presidente na hindi ito nagbibiro sa kanyang mga pahayag, kaya minabuti nilang magsagawa ng imbestigasyon at panagutin ang sinumang maaaring lumabag sa batas.

Tinanong naman ni Cayetano kung bakit hindi sinuri ng NBI ang buong konteksto ng mga pahayag ni Duterte — kabilang ang alegasyon nito ng malawakang korapsyon sa gobyerno, ang pahayag na may banta sa kanyang buhay, at ang umano’y pagbabanta laban sa tatlong opisyal.

Nanindigan si Matibag na itinuring ng NBI ang umano’y banta laban sa pangulo bilang usapin ng national security.

“I won’t argue with you,” sabi ni Cayetano. “Iyan ang proseso niyo. But in the meantime, there were three statements – massive corruption, kung papatayin siya, patayin (ang tatlo). So, ang focus doon sa patayin y’ung tatlo, kung papatayin siya. In the meantime, tumotoo y’ung massive corruption at lumabas (ang flood control scam) afterwards.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here