MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda at marino na iwasan ang karagatan sa bahagi ng Hilagang Luzon dahil sa paglulunsad ng isang pribadong Chinese rocket na maaaring magbagsak ng debris malapit sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon sa PCG, ang Yinli-1 (Y4) rocket ay inilunsad mula sa East China Sea malapit sa Shanghai. Ang posibleng pagbagsakan ng debris ay nasa humigit-kumulang 115 nautical miles mula sa Babuyan Island at 129 nautical miles mula sa Sta. Ana, Cagayan.
Pinayuhan ng PCG ang mga sasakyang-pandagat na umiwas sa naturang lugar at huwag lapitan o pulutin ang anumang debris na maaaring matagpuan sa dagat. Dapat itong iulat agad sa pinakamalapit na tanggapan ng Coast Guard.
Matagumpay namang nailunsad ng Chinese company na Orienspace ang rocket na may sakay na siyam na satellite at isang experimental payload. Wala namang naitalang insidente o debris na nakita ang PCG matapos ang paglulunsad. Jocelyn Tabangcura-Domenden