MANILA, Philippines – Nanindigan ang prosecution team na may matibay nang ebidensya na nailatag sa ilalim ng Article 4 para patunayan na hindi na “fit” para maging Pangalawang Pangulo si Sara Duterte.
“We do believe that the evidence has already established all the points that the prosecution needed to establish,” pahayag ni House Prosecutor 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez sa isang pressconference.
Ani Gutierrez sapat na ang testimonya ng tatlong saksi nito mula sa NBI para patunayan na may betrayal of public nang bantaan ni VP Sara ang buhay nila Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Paliwanag ni Gutierrez, si Senior Agent John Mark Calilung ay nag-authenticate sa recording ng “kill” remarks ni Duterte, si Regional Director Jeremy Lotoc ay nagpatotoo na may probable cause ang NBI para irekomenda ang paghain ng kasong grave threats at inciting to sedition laban kay VP Sara habang si NBI Director Melvin Matibag ang syang nagpatunay ng mga ebidensya.
“With the testimony of Director Matibag, we now have the institutional picture of how the NBI treated the statement. So I think now we have put in open court the legal implications, or how the NBI assessed the same,” dagdag ni Gutierrez.
HINDI ISOLATED EVENT, MAY PATTERN OF VIOLENCE
Sa panig ni Deputy Speaker Paolo Ortega sinabi nito na binuo ni Matibag ang buong larawan ng kaso sa pamamagitan ng kanyang testimonya.
“Malaking piece ng puzzle ‘yung pagdating ni NBI Director Matibag kasi nabuo niya ‘yung kwento,” ani Ortega. “He painted the bigger picture na ipakita niya na buong-buo talaga ‘yung ebidensya at na-affirm niya ‘yung side ng prosecution na sa ebidensya po ng threat na iyon, naganap po talaga at active threat pa rin po iyon.”
Samantala, sinabi ni Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson at counsel ng House prosecutors, na kinumpleto ng testimonya ni Matibag ang “chain of evidence” ng NBI sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa institutional assessment ng ahensiya sa mga pahayag ni Duterte.
Ayon kay Tolosa, hindi lamang sa iisang viral video o pahayag umasa ang NBI, kundi sinuri nito ang kabuuan ng mga pangyayari bago dumating sa konklusyon na ang mga banta ay umabot na sa antas ng national security concern.
Idinagdag pa ni Tolosa na malinaw na rin ang dahilan kung bakit sineryoso ito ng NBI, dahil hindi ito nag-iisang pangyayari.
“Napakaliwanag na din ang kadahilanan kung bakit ito sineryoso ng NBI. Dahil na nga hindi ito isang isolated event, hindi ito isang sentence lamang o isang viral video. May pattern of violence na nakita, both in actions and in words,” ani Tolosa.
Binanggit ni Tolosa ang tatlong hiwalay na pagkakataon kung saan consistent si Duterte sa kanyang mga pahayag laban sa Pangulo, mula sa naunang banta na pugutan ito ng ulo, hanggang sa pag-amin na may kasunduan na para patayin ang Pangulo, at hindi na ito binawi kahit tatlong araw matapos ang orihinal na pahayag.
Bukod pa dito ang pagkumpirma ng NBI na 100% sure ito na nakipagusap at nakipagkasundo si VP Sara para patayin ang Pangulo.
Sinabi rin ng prosekusyon na dinurog ng testimonya ni Matibag ang depensa ng Bise Presidente na ang banta ay conditional lamang.
Sa pangkalahatan, sinabi ni Tolosa na naniniwala ang prosekusyon na sapat na ang mga ito upang sagutin ang mahalagang tanong kung dapat pa bang manatili sa puwesto ang Bise Presidente.
“Sa tingin namin sa panahon na ‘to maliwanag na ‘yung napatunayang salita at aksyon ng Bise Presidente makakasagot na siya doon sa mga importanteng katanungan dito sa impeachment proceedings na ito, which is itong ganitong mga salita, itong ganitong mga aksyon, pinapakita ba nito na karapat-dapat pang manatili ng pangalawang pinakamataas at makapangyarihan na lingkod bayan ang Bise Presidente?” ani Tolosa.
Sa panig naman ni Ortega kumpiyansa ito na hindi na kaya ng depensa na siraan ang mga saksi at ebidensiyang inilahad ng prosekusyon, aniya, ang ebidensya sa grave threats para patunayan ang betrayal of public trust ay nakasemento na. Gail Mendoza