Home HOME BANNER STORY Signal No. 2, itinaas sa 5 lugar sa hagupit ni bagyong Kiyapo 

Signal No. 2, itinaas sa 5 lugar sa hagupit ni bagyong Kiyapo 

3
0

MANNILA, Philippines – Bahagyang lumakas ang Tropical Storm Kiyapo habang papalapit sa extreme Northern Luzon, dahilan upang itaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa limang lugar nitong Biyernes.

Alas-10 ng umaga, namataan ang sentro ng Kiyapo sa layong 135 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kph.

Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes, Babuyan Islands, hilagang bahagi ng Cagayan, hilagang Apayao at hilagang Ilocos Norte.

Sa Cagayan, sakop nito ang Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, Santa Praxedes, Buguey, Allacapan, Lal-Lo, Gattaran, Baggao at Lasam.

Nakataas din ang parehong signal sa Luna, Santa Marcela, Calanasan, Pudtol at Flora sa Apayao, gayundin sa Pagudpud, Dumalneg, Adams, Bangui, Burgos at Vintar sa Ilocos Norte.

Nananatili naman ang Signal No. 1 sa natitirang bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, natitirang bahagi ng Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, natitirang bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union.

Kasama rin sa Signal No. 1 ang hilaga at gitnang bahagi ng Aurora, partikular ang Dilasag, Casiguran, Dinalungan at Dipaculao.

Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ang malalakas na hangin ng minimal hanggang minor na banta sa buhay at ari-arian.

Inaasahan ding magdadala ang Habagat at panlabas na sirkulasyon ng Kiyapo ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin sa malaking bahagi ng bansa ngayong Hulyo 24.

Sa Hulyo 25, maaaring maranasan ang malalakas na hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa Zamboanga del Norte at Davao Oriental. Sa Hulyo 26, posibleng magpatuloy ang pagbugso ng hangin sa Ilocos Region, MIMAROPA, Zambales, Bataan at Quezon.

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang Kiyapo sa umaga ng Sabado, Hulyo 25. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here