Home METRO Bulacan naghahanda sa posibleng kakulangan ng tubig

Bulacan naghahanda sa posibleng kakulangan ng tubig

1
0

BULACAN, Philippines — Naghahanda na ang mga lokal na pamahalaan at mga opisyal sa pamamahala ng tubig sa Bulacan dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng Angat Dam, ilang buwan bago ang inaasahang paglala ng Super El Niño.

Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), maaaring bumaba sa 149 metro ang lebel ng Angat Dam bago matapos ang taon, mas mababa sa dating rekord na 152.19 metro noong 2010. Batay sa datos ng PAGASA, bumaba rin ang lebel ng dam mula 152.12 metro sa 151.45 metro sa loob lamang ng isang araw.

Kapag umabot sa 149 metro, gagamitin na lamang ang low-level outlet upang maipagpatuloy ang suplay ng tubig, ngunit limitado na ang dami ng tubig na maibibigay.

“Ang natatanging option na lang natin ay itong tinatawag na low-level outlet so doon po continuous pa naman po kahit 101 ang level ng reservoir. Pero yun nga po may limitation na rin sa volume. So as much as possible talagang tinitipid natin na wag umabot sa 149 meters,” ani Engr. Patrick Dizon ng MWSS.

Kapag nangyari ito, mababawasan ang alokasyon ng tubig mula 46 cubic meters per second hanggang 32 cubic meters per second, na maaaring makaapekto sa mga lugar na umaasa sa Angat Dam, kabilang ang San Jose del Monte City sa Bulacan.

Bilang paghahanda, nire-rehabilitate ng lungsod ang mga deep well, naghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng tubig, nagkukumpuni ng mga tumatagas na tubo, at nagtatayo ng modular water treatment plants sa ilang barangay.

Hinikayat din ng mga opisyal ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig upang makatulong sa pagharap sa inaasahang kakulangan ng suplay sa panahon ng Super El Niño. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here