MANILA, Philippines — Tatlong araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lumabas sa survey ng Pulse Asia na korapsyon ang pangunahing isyung nais marinig ng mga Pilipino.
Ayon sa survey, 29.8 porsiyento ng mga respondent ang gustong talakayin ng Pangulo ang korapsyon. Sa bilang na ito, 18.9 porsiyento ang nais marinig ang imbestigasyon at pananagutan sa mga sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects, habang 10.9 porsiyento ang tumukoy sa kampanya laban sa korapsyon.
Pumangalawa ang murang presyo ng mga pangunahing bilihin na may 18.7 porsiyento.
Kabilang din sa mga isyung nais talakayin sa SONA ang:
–Trabaho at kabuhayan (6.6%)
–Kahirapan (6.2%)
–Illegal na droga (5.5%)
–Mababang sahod (5.1%)
–Mataas na presyo ng langis (4.9%)
–Agrikultura (4%)
–Kriminalidad (2.8%)
–Edukasyon (2%)
May ilan ding nais marinig ang tungkol sa mga pangako ng Pangulo (1.6%), impeachment ni Vice President Sara Duterte (1.2%), juvenile justice (1%), isyu sa pamunuan ng Senado (1%), at kapakanan ng senior citizens (1%).
Nanguna ang korapsyon bilang pangunahing isyu sa Metro Manila (35%), Luzon (32.7%), at Mindanao (29.7%). Sa Visayas at Class E, mas nanguna ang isyu ng murang presyo ng mga bilihin.
Ipinakita rin ng survey na 81 porsiyento ng mga Pilipino ang nakaaalam ng kahit isa sa mga nakaraang SONA ni Pangulong Marcos.
Isinagawa ang survey noong Hunyo 28 hanggang Hulyo 3 at 6 sa 2,400 kataong edad 18 pataas sa pamamagitan ng face-to-face interviews. Mayroon itong ±2% margin of error sa 95% confidence level. RNT/MDS