MANILA, Philippines — Hinatulan ng Sandiganbayan Sixth Division na guilty sina negosyanteng Janet Lim Napoles at dating Department of Agrarian Reform (DAR) Undersecretary Jerry Pacturan sa 10 bilang ng malversation of public funds through falsification of public documents kaugnay ng mahigit ₱50 milyong halaga ng umano’y pekeng proyekto para sa mga magsasaka sa Luzon.
Nahatulan din si Napoles ng 10 bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, habang napawalang-sala si Pacturan sa mga kasong graft dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Nasentensyahan si Napoles ng hanggang 20 taon na pagkakakulong sa bawat bilang ng malversation at hanggang 15 taon sa bawat bilang ng graft. Si Pacturan naman ay hinatulan ng hanggang 19 taon, isang buwan at 11 araw sa bawat bilang ng malversation.
Ayon sa mga prosecutor, lumagda si Pacturan noong 2011 sa mga memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng 10 lokal na pamahalaan at 10 non-government organizations (NGOs) na umano’y konektado kay Napoles.
Nakasaad sa mga proyekto na tatanggap ang bawat LGU ng ₱5 milyon para sa farm inputs, ngunit lumabas sa paglilitis na hindi naipatupad ang mga proyekto.
Nagpatotoo rin ang walo sa 10 alkalde mula sa Bulacan, Batangas, Pangasinan, at Quezon na peke ang kanilang mga lagda sa mga liham na humihiling ng pondo.
Nilinaw ng prosekusyon na ang mga kasong ito ay hindi kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) kundi sa regular na pondo ng DAR. RNT/MDS