Home NATIONWIDE Mga LGU hinimok ng Samar bishops na tutulan pagmimina

Mga LGU hinimok ng Samar bishops na tutulan pagmimina

5
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang tatlong obispong Katoliko sa Samar sa mga lokal na pamahalaan na tutulan ang pagmimina sa Eastern Samar, kasunod ng pag-apruba ng isang mineral exploration permit sa bahagi ng mga bayan ng Giporlos at Balangiga.

Sa isang pastoral statement, hinimok nina Borongan Bishop Crispin Varquez, Calbayog Bishop Isabelo Abarquez, at Catarman Bishop Nolly Buco ang mga municipal at barangay council na magpatibay o muling pagtibayin ang kanilang mga resolusyong tumututol sa pagmimina sa kanilang nasasakupan.

Inilabas ang pahayag matapos aprubahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang Exploration Permit No. EP-2026-001-VIII, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 902.99 ektarya sa mga bahagi ng Giporlos at Balangiga.

Bagama’t para lamang sa mineral exploration ang permit at hindi pa para sa komersyal na pagmimina, sinabi ng mga obispo na ang exploration ang kadalasang unang hakbang patungo sa malawakang pagmimina.

Ayon sa kanila, tungkulin ng pamayanan na pangalagaan ang kalikasan at tiyaking hindi maisasakripisyo ang kapaligiran kapalit ng pag-unlad.

Binigyang-diin din ng mga obispo, sa pagbanggit sa encyclical na Laudato si’ ni Pope Francis, na ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa kita kundi sa paggalang sa dignidad ng tao, pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mga susunod na henerasyon.

Nagbabala rin sila na maaaring magdulot ang pagmimina ng pagkasira ng kagubatan at watershed, polusyon sa mga ilog at karagatan, pagkawala ng mga sakahan at pangisdaan, at pagtaas ng panganib ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang kalamidad.

Ayon sa mga obispo, mahalagang mapangalagaan ang likas na yaman ng Eastern Samar dahil isa ito sa mga lalawigang madalas tamaan ng bagyo at umaasa ang maraming komunidad sa agrikultura at pangingisda.

Samantala, nilinaw ni Giporlos Mayor Gilbert Go na wala pang isinasagawang pagmimina sa kanilang bayan at exploration lamang ang saklaw ng permit.

Aniya, anumang aplikasyon para sa komersyal na pagmimina ay kailangan pang dumaan sa mga legal na proseso, environmental assessment at public consultations bago ito maaprubahan.

Suportado rin ng Samar Island Partnership for Peace and Development (Sippad) ang panawagan ng mga obispo at hinikayat ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng Konstitusyon at Local Government Code upang pangalagaan ang kalikasan at kapakanan ng kanilang mga mamamayan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here