MANILA, Philippines – Nanawagan ang grupong Katarungan (Kilusan Para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing konkretong programa ang mga pangako nito sa mga magsasaka sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27.
Ayon sa grupo, hindi sapat ang mga pangako sa talumpati kung hindi ito magreresulta sa hustisya, seguridad, at maayos na buhay para sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) at mga magsasaka.
“The true measure of this administration will not be the promises it makes from the podium, but whether it finally delivers justice, security, and dignity to agrarian reform beneficiaries (ARBs) and all those who feed the nation,” pahayag ng Katarungan.
Binalikan din ng grupo ang ikaapat na SONA ni Marcos noong 2025, kung saan nanawagan ito ng pagkakaisa at nangakong pagbutihin ang buhay ng mga Pilipino. Ayon sa Katarungan, panahon nang sukatin ang mga pangakong ito batay sa naging resulta.
Iginiit ng grupo na ang tunay na dignidad para sa mga magsasaka ay nakasalalay sa ligtas na pagmamay-ari ng lupa, proteksyon laban sa land grabbing, patas na presyo ng ani, sapat na suporta sa produksyon, at tulong laban sa epekto ng climate change.
Binigyang-diin din ng Katarungan na 38 taon matapos ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), marami pa ring magsasaka ang nahaharap sa mabagal na pagproseso ng titulo ng lupa, mga kaso sa korte, pananakot, at karahasan.
Pinuna rin ng grupo si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III dahil umano sa kakulangan ng direktang pakikipag-usap sa mga ARB at sa mas madalas nitong paglabas sa vlog-style content kaysa pagtugon sa mga suliranin ng mga magsasaka.
Dagdag pa ng grupo, hindi sapat ang pagkakaroon ng lupa kung kulang ang suporta ng pamahalaan sa pautang, imprastraktura, at iba pang pangangailangan upang maging produktibo at matatag ang kabuhayan ng mga magsasaka.
“The nation deserves more than carefully crafted words,” pagtatapos ng Katarungan. RNT/MDS