BERLIN, Germany – Patay ang isang tao at nasa 15 iba pa ang nasugatan matapos araruhin ng isang sasakyan ang mga tao malapit sa Berlin Gay Pride parade sa Germany nitong Sabado.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang 10:00 p.m. sa Tiergarten Park. Natagpuan kalaunan ang pinaniniwalaang sasakyan na ginamit sa insidente, ngunit pinaghahanap pa ang mga sakay nito.
Sinabi ng pulisya na ilan sa mga sugatan ay nasa malubhang kondisyon at agad na isinugod sa ospital.
Dahil sa insidente, maagang tinapos ang Christopher Street Day at pinauwi ang mga dumalo habang isinara ng mga awtoridad ang lugar.
Nauna rito, daan-daang libong katao ang lumahok sa parada na nagtapos malapit sa Brandenburg Gate.
Binanggit din ng mga awtoridad na ilang mararahas na pag-atake na ang naganap sa mga pampublikong lugar sa Germany nitong mga nakaraang taon, kabilang ang mga insidente sa Berlin at Magdeburg. RNT/MDS