BULACAN, Philippines – Kalunos-lunos ang isang babae matapos umanong pagsasaksakin ng magnanakaw sa harapan ng kanyang anak sa loob ng kanyang bahay sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang suspek na isang 33 anyos na lalaki, residente ng Brgy. San Martin IV.
Ayon sa ulat, ang suspek na ito ay siyang itinuturong responsable sa madugong insidente noong Hulyo 9, sa Brgy. San Martin IV.
Base sa imbestigasyon, sinundan umano ng suspek ang 23 anyos na babaeng biktima hanggang sa loob ng kanyang inuupahang bahay.
Doon ay tinutukan ng patalim ng suspek ang biktima at sapilitang kinuha ang kanyang cellphone at wallet na may lamang pera.
Sa kasagsagan ng insidente, walang habas na pinagsasaksak ng suspek ang biktima sa ibat-ibamg bahagi ng katawan at inambahang saktan din ang kanyang anak na naroroon.
Habang pinoprotekhan ang anak ng inang duguan ay muli itong nasugatan hanggang sa magawa niyang makahingi ng saklolo kaya agad tumakas ang suspek.
Sa tindi ng tinamong mga sugat ay agad dinala ito sa ospital na tumagal ng anim na araw.
Natuklasan naman sa follow-up investigation ng istasyon na ang suspek ay mayroon warrant of arrest sa kasong Qualified Theft na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 120, SJDM, Bulacan.
Dahil dito, sa pamamagitan ng magkasanib na operasyon ng Warrant Section at Intelligence Operatives, naaresto ang suspek kasabay ang pagpapaalam sa kanyang mga karapatan bago dalhin sa istasyon para kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery with Frustrated Homicide bukod sa kanyang umiiral na warrant of arrest para sa kasong Qualified Theft. (Dick Mirasol III)