MANILA, Philippines — Patay ang isang 31-anyos na lalaki habang sugatan ang kaniyang dalawang taong gulang na anak matapos silang pagbabarilin ng tatlong armadong lalaki sa loob ng kanilang tindahan sa Parola Compound, Barangay 275, Binondo, Maynila, madaling araw ng Sabado.
Isinugod sa ospital ang biktimang kinilalang si alyas “Jun,” ngunit binawian din ng buhay dahil sa hindi bababa sa apat na tama ng bala sa katawan.
Nagtamo naman ng daplis ng bala sa leeg ang kaniyang anak habang nakahiga sa pagitan ng biktima at ng kaniyang kinakasama.
“Hindi ko po alam na may tama na po yung anak ko. Kala ko wala na rin po siya kasi yung asawa ko po, itinakbo ko na po ng ospital,” saad ng kinakasama nito.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Homicide Section chief Maj. Dave Garcia, sinilip muna ng isang suspek na nagsilbing lookout ang tindahan bago pumasok ang dalawang gunman at pagbabarilin ang biktima.
“Bago ma-execute yung krimen, meron sila nagsilbing lookout. Sinilip muna yung biktima natin… Binaril siya habang nakahiga then kasunod nun, dumating pa yung pangatlong suspect. Pinagbabaril din siya hanggang tuluyan nang umalis,” ayon kay Garcia.
Sa tulong ng kuha ng CCTV, bumuo ng special investigation team ang Delpan Police Station at MPD Homicide Section, na nagresulta sa agarang pagkaaresto sa suspek na umano’y nagsilbing lookout.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang naarestong suspek.
Ilegal na droga ang pangunahing motibong sinisilip ng pulisya. Batay sa imbestigasyon, gumagamit umano ng droga ang biktima at posibleng sangkot din sa bentahan nito sa kanilang lugar.
Mariin namang itinanggi ng kinakasama ng biktima ang anggulo ng droga. Aniya, posibleng may kaugnayan ang pamamaril sa pag-awat ng kaniyang asawa sa away ng mga kabataan sa kanilang lugar kamakailan.
“Away-bata lang po yun tapos nagsumbong po yung ibang pangkat sa kapwa niya pangkat. Asawa ko po ang napagbuntungan. Umawat lang po talaga yung asawa ko,” giit ng kinakasama.
“Kung kailan po nagbago yung asawa ko, napatino ko, doon naman po nila winalangya. Manong kinausap na lang po nila yung asawa ko … Bakit kailangan pa sa pamamaril?” dagdag nito.
Nakakulong na ang naarestong lookout habang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang dalawa nitong kasabwat. Nahaharap ang mga suspek sa kasong pagpatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden