KORONADAL CITY, South Cotabato— Humigit-kumulang 100 pamilya o 500 indibidwal ang inilikas mula sa ilang komunidad sa Columbio, Sultan Kudarat, Lunes ng gabi matapos magdulot ng flash flood ang ilang oras na malakas na pag-ulan.
Iniutos ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu ang sapilitang paglikas sa mga residenteng nakatira sa mabababang lugar at mga komunidad na madalas bahain.
Hinikayat din niya ang mga residente na unahin ang kanilang kaligtasan at agad sumunod sa mga evacuation order ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa Columbio Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mabilis na tumaas ang tubig-baha sa Puroks 3, 5, 6, at 7 sa Barangay Poblacion. Binaha rin ang Barangay Libertad at ilang bahagi ng Barangay Sinapulan.
Agad nagsagawa ng rescue at evacuation operations ang lokal na pamahalaan matapos ma-trap ang ilang residente.
Tumulong sa operasyon ang MDRRMO, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Bantay Kalikasan volunteers, at iba pang emergency responders.
Kabilang sa mga nasagip ang isang stroke patient, ilang matatandang babae, at dalawang bata na umano’y inanod ng baha. Gumamit ang mga responder ng mga lubid at rescue boat at nilusong ang malalakas na agos na umabot hanggang dibdib sa ilang lugar.
Bahagyang nasira at naguho rin ang bahagi ng daan patungo sa tulay sa Barangay Mayo, dahilan upang hindi muna ito maging ligtas para sa mabibigat na sasakyan.
Dinala ang mga evacuee sa Regional Evacuation Center at Municipal Gymnasium, kung saan binigyan sila ng maiinit na pagkain, kumot, at sleeping mats.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), localized thunderstorms ang nagdulot ng malakas na ulang nagsimula noong Lunes ng hapon.
Binaha rin ang kalapit na bayan ng Datu Paglas sa Maguindanao del Sur matapos dumaloy ang tubig mula sa ilog patungo sa lugar bago bumaba sa Liguasan Marsh.
Sa Lebak, Sultan Kudarat, tinamaan din ng flash flood ang Sitio Guintales sa Barangay Poloy-Poloy dakong alas-1 ng hapon noong Lunes. Dalawang pamilya ang na-trap ngunit kalaunan ay nailigtas ng mga disaster responder. Mary Anne Sapico