Home HOME BANNER STORY Meralco, bukas sa hirit ni PBBM sa pagkalos ng system loss charges

Meralco, bukas sa hirit ni PBBM sa pagkalos ng system loss charges

4
0

MANILA, Philippines — Ipinahayag ng Manila Electric Company (Meralco) na bukas ito sa pakikilahok sa mga talakayan kaugnay ng panukalang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na alisin ang system loss charges na ipinapasa sa mga consumer.

Sa isang pahayag, sinabi ni Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Engr. Ronnie L. Aperocho na iginagalang ng kumpanya ang polisiya ng Pangulo at aktibo itong makikibahagi sa mga pagtalakay sa panukalang reporma.

Sa kaniyang SONA noong Lunes, sinabi ni Marcos na panahon nang ihinto ang pagpasa ng system loss charges sa mga konsyumer dahil hindi na dapat pasanin ng mga kabahayan ang gastos na dulot ng inefficiencies sa power distribution system.

Ayon kay Aperocho, mahalagang kilalanin na ang system loss ay hindi lamang isyu ng isang distribution utility kundi bahagi ng operasyon ng buong industriya ng kuryente.

Aniya, bagama’t patuloy ang Meralco sa modernisasyon ng mga pasilidad at paggamit ng mga teknolohiyang nagpapababa ng system losses, may antas ng technical losses na likas sa pagpapatakbo ng electric distribution system.

Iginiit din ng Meralco na patuloy itong namumuhunan sa system loss management, network modernization at operational efficiencies, na nagbigay-daan upang mapanatili ang system loss nito sa mas mababa sa 6.5 porsiyentong limitasyon na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Umaasa rin ang kumpanya na ang anumang reporma ay maingat na isasaalang-alang ang epekto nito sa operasyon at pagpapatuloy ng serbisyo ng mga distribution utilities. Ayon sa Meralco, dapat ding suportahan ng mga pagbabago ang kakayahan ng mga electric utility at electric cooperative na mamuhunan sa imprastraktura, mapalakas ang resiliency ng sistema, at makapagbigay ng ligtas at matatag na suplay ng kuryente.

Tiniyak ng Meralco na patuloy itong makikipagtulungan sa pamahalaan, mga regulator, mambabatas, at iba pang stakeholder upang maisulong ang mga repormang magpapalakas sa proteksiyon ng mga consumer at sa industriya ng kuryente. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here